NATAGPUANG wala nang buhay ang isang matandang pari sa loob ng banyo ng kaniyang silid sa isang kombento sa lungsod ng Ormoc, sa lalawigan ng Leyte, noong Biyernes ng hapon, 2 Oktubre.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng paring kinilalang si Fr. Rafael Pepito, 63 anyos.
Ayon kay P/Maj. Reynaldo Honrado, hepe ng Ormoc City Police Station I, isinantabi nila ang posibilad na may foul play sa pagkamatay ni Fr. Pepito dahil sa simbahan naganap ang insidente.
Hinihintay pa rin nila ang post-mortem report mula sa City Health Office o sa scene of the crime operatives (SOCO) para malaman ang sanhi ng pagkamatay ng pari ng Saints Peter and Paul Church.
Kilala umano si Fr. Pepito, na tubong Ormoc, bilang mabait at matulunging pari.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na nakatakdang magmisa si Fr. Pepito noong Biyernes ng tanghali ngunit hindi siya lumabas ng kaniyang silid.
Pinuntahan umano siya ng madreng kinilalang si Sister Jane Arogante sa kaniyang silid sa ikalawang palapag ng kombento ng Saints Peter and Paul Church.
Kinuha ng madre ang duplicate na susi ng silid at nagulat nang makitang nakahandusay si Fr. Pepito na sa loob ng banyo.