MATAPOS ang higit anim-buwan CoVid-free ang lalawigan, naitala ng isla ng Batanes ang kauna-unahang kaso ng coronavirus disease (CoVid-19) noong Lunes, 28 Setyembre.
Noong Martes, 29 Setyembre, Sinabi ni Dr. Rio Magpantay, Department of Health regional director, na ang pasyente ay isang locally stranded individual (LSI) na umuwi sa Batanes noong 22 Setyembre sakay ng chopper ng Philippine Air Force.
Bagaman asymptomatic, isinailalim sa quarantine ang pasyente sa Batanes Resort habang ginagamot at inoobserbahan ang kaniyang kondisyon.
Lumabas na positibo sa CoVid-19 ang naturang LSI ayon sa resulta ng CoVid test na lumabas noong Lunes.
Isinailalim sa quarantine ang lahat ng ‘close contacts’ ng pasyente at mahigpit na minomonitor ng Provincial CoVid-19 Task Group.