NANG magbalik operasyon ang lotto, isa sa palaro ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos ang limang buwan stop operation dahil sa lockdown, hindi lamang si alyas Bong Zolaz ng Rizal province ang nabuhayan kung hindi maging ang mga tiwaling opisyal at tauhan ng Rizal Police Provincial Police Office (PPO).
Bakit naman nabuhayan ang mga tiwaling pulis sa Rizal PPO? At sino ba si Bong Zolas?
Si Bong Zolas ay untouchable sa Rizal province na isa sa sumasabotahe sa ekonomiya ng bansa – sinasabotahe ang kita ng PCSO.
Natuwa si Zolas sa balik operasyon ng lotto at iba pang palaro ng PCSO maliban sa Small Town Lottery (STL), dahil buhay na rin ang kanyang ilegal na sugal – ang lotteng.
Pinapatay ng lotteng ni Zolas ang kita ng PCSO sa lotto – imbes kasi sa lotto, hayun sa mga umiikot na kobrador ni Zolas tumataya ang mga kababayan natin sa Rizal.
Ops, totoo kaya ang bulong-bulongan na ilan sa kobrador ni Zolas ay tulak din o gumagamit ng shabu?
Nang muling buksan ang lotto sa kalagitanaan ng pandemya, ilang araw ang nakalipas ay binuksan na rin ni Zolas ang kanyang lotteng. Ang winning number para sa lotteng ay ibinabase sa resulta ng lotto. Kaya, malaki ang nawawala sa PCSO.
Meaning, sinasabotahe ni Zolas ang kita ng PCSO – malaki tuloy ang nawawala PCSO dahilan kaya medyo kinakapos sa pondo ang ahensiya para sa pagtulong sa mamamayan. Alam naman natin kung ano ang pangunahing misyon ng PCSO – “charity.”
Pero may nakapagbulong sa atin na kamakailan ay sinalakay ng awtoridad – CIDG at Rizal PPO ang lotteng ni Zolas. Well and good…at salamat naman po Rizal PPO Director, P/Col. Joseph Arguelles. Napakalaking tulong po sa PCSO ang inyong accomplishment. Keep up the good work.
Pero alam ba ninyo Kernel na maraming tiwaling opisyal mo na nakapalibot sa iyo ang nagalit. Yes sir, nagalit at nakasimangot sila dahil natigil tuloy ang parating sa kanila ni Zolas. Lamang, malakas pa rin ang loob nila dahil sa paniwalang magbabalik operasyon pa rin si Zolas.
Opo, Kernel Arguelles, paki-double check ang info na balik operasyon na nga raw si Zolas. Kung baga, patago raw ang kanyang operasyon o guerilla operation.
Bagamat, naniniwala naman tayo kay Col. Arguelles na kanyang aaksiyonan agad ito dahil ayaw na ayaw ni PD ang mga ilegalistang salot sa ekonomiya ng bansa bukod sa batid din ni Sir Arguelles na galit din sa mga ilegalista si P/Brig. Gen. Vicente Danao, Jr., PNP Region 4A Director.
Sa Marikina City, namamayagpag na rin ang operasyon ng lotteng sa lungsod.
Abangan!
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan