HALOS 500 manggagawa ng Dole Philippines Inc., isang fruit processing firm sa bayan ng Polomolok, sa lalawigan ng South Cotabato, ang nawalan ng trabaho, matapos nitong ipatupad ang retrenchment program sa gitna ng krisis pang-ekonomiya sanhi ng pandemyang coronavirus disease (CoVid-19).
Ayon sa kompanya, sinimulan nila ang retrenchment program noong 18 Setyembre para mapanatili ang operasyon kaysa magsara ang kompanya.
Ang Dole Phils ay pag-aari ng Itochu Corp. of Japan, na nagmamantina ng 13,0000-ektaryang plantasyon ng pinya sa Polomolok, South Cotabato.
Base sa kanilang profile, mayroong 30,000 empleyado ang Dole Phils noong 2018.
Dagdag ng kompanya, ipinatupad nila ang pagbabawas sa mga manggagawa nang may kaukulang abiso sa mga empleyado isang buwan bago ito simulan at binigyan din nila ng alalay sa kabuhayan bilang bahagi ng retrenchment package.
Samantala, ilang empleyado ang nagsabing hindi sila nabigyan ng abiso kaugnay ng pagtatanggal sa kanila at nalaman na lamang nila ito nang bumalik sila sa trabaho.
Karamihan sa mga natanggal na empleyado ay mula sa production at operation department ng kompanya.