NAPATAY ang tatlong lalaking pawang miyembro ng isang sindikato matapos manlaban sa mga awtoridad sa bayan ng San Miguel, lalawigan ng Bulacan, noong Linggo ng hapon, 27 Setyembre.
Sa ulat na ipinadala ni P/Lt. Col. Rizalino Andaya, hepe ng 2nd Bulacan Police Mobile Force Company (BPMFC), kay P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan police director, naghain sila ng arrest warrant laban sa isang Gilbert Mondares sa isang checkpoint sa Cagayan Valley Road sa Barangay Camias, sa naturang bayan.
Napag-alamang pinatigil ng mga awtoridad ang sasakyan ng suspek, na kanilang inabangan, sa checkpoint upang hainan ng warrant of arrest.
Ngunit imbes sumuko, lumabas ang suspek at ang apat niyang kasama at nagtangkang tumakas papuntang Sitio Banga-Banga habang nagpaputok laban sa mga awtoridad.
Sa naganap na enkuwentro, napatay ang tatlo kabilang si Mondares habang dalawa ang nakatakas na tinugis ng pulisya hanggang sa Barangay San Vicente.
Narekober ng mga awtoridad sa lugar ng enkuwentro ang isang kalibre .45 pistola, isang M-16 rifle, isang kalibre .38 rebolber, isang hand grenade, tatlong 9mm cartridge cases, at ilang hand sketches.
Ayon sa ulat, ang grupo ni Mondares ay kabilang sa gun-for-hire syndicate na kumikilos sa Bulacan at karatig lalawigan. (MICKA BAUTISTA)