PATAY ang dalawang pulis na nagresponde sa ulat kaugnay sa pagbibiyahe ng mga kahoy na ilegal na pinutol noong Sabado ng gabi, 26 Setyembre, sa bayan ng San Isidro, lalawigan ng Northern Samar.
Sa mga naunang report, nagresponde ang mga elemento ng Second Maneuver Platoon (2nd MP), 803rd Maneuver Company (803rd MC) ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB), sa pakikipagtulangan ng San Isidro Municipal Police Station, matapos makatanggap ng tawag sa telepono kaugnay ng hinihinalang ilegal na pagbibiyahe ng mga produktong galing sa kagubatan dakong 8:00 pm.
Naharang ng mga awtoridad ang motorized pump boat na may pangalang “Zurlyn 5” habang nagkakarga ng mga kahoy na walang kaukulang dokumento malapit sa dalampasigan ng Barangay Balite, sa naturang bayan.
Nabatid sa ‘scaling’ na isinagawa ng Provincial Environment and Natural Resources and Community Environment and Natural Resources-Catarman na aabot sa 11,478.455 board feet ang laman na tabla ng bangka na tinatayang nagkakahalaga ng P573,927.59.
Samantala, habang nasa proseso ng paghuli sa nasabing motorboat, hindi inaasahang nagkaroon ng enkuwentro laban sa anim na armadong lalaking sakay ng isa pang bangka dakong 10:40 pm.
Nasugatan sina Pat. Jessie Golondrina, 30 anyos, at Pat. Fernando Velarde, 25 anyos, kapwa mula sa 2nd MP, 803rd MC, RMFB8, sa barilang tumagal ng ilang minuto.
Agad dinala ang mga biktima sa St. Camillus Hospital, sa lungsod ng Calbayog City, ngunit idineklarang dead on-arrival dakong 11:55 pm.
Samantala, sugatan din ang operator ng bangka na kinilalang si Edwin Erenia, mula sa lalawigan ng Masbate, na dinala sa Allen District Hospital sa Allen, Northern Samar.
Nagtatag ng fact-finding committee ang pulisya sa pagpapatuloy ng kanilang imbestigasyon sa insidente.