KUNG kalipikasyon ang pag-uusapan, sa kangkungan maipupulutan ‘este pupulutin si Lord Velasco sa isyu ng speakership sa Kamara.
Sabi nga, sobrang nipis ang angking kaalaman at kapasidad kompara kay Speaker Alan Cayetano.
Tingnan n’yo na lang si Cayetano, napakalawak ng kanyang karanasan dahil nagsimula ng paninilbihan sa local government unit (LGU), naging kongresista, senador, naging Cabinet secretary, at ngayon Speaker of the House.
Kayang-kayang makipagbalitaktakan tungkol sa napakaraming usapin pati na ang mga bagay na ibinabato sa Duterte administration.
Ang tanong, mula noong maging Pangulo si Digong, naipagtanggol na ba ni Velasco ang administrasyon sa mga kritiko at bashers nito? May sinabi na ba siya bilang depensa kay Digong at sa mga tira ng oposisyon laban sa gobyerno?
Sa dinamirami ng mga puna ng kalaban sa Duterte administration, nakabibingi ang katahimikan ni Velasco para man lang tumindig para sa administrasyong kanyang kinabibilangan. Kaalyado ba talaga siya ni Digong? Nagtatanong lang naman po.
At hindi ba ninyo nahahalata, kulang na kulang ang performance ni Velasco sa Kamara. Minsan, hindi pa dumadalo sa pagdinig mismo ng kanyang pinamumunuang Committee on Energy.
Dapat man lang, kung talagang gusto niyang maging Speaker, naging aktibo siya sa Kamara noon pa man. Ang sabi nga ng maraming kongresista, tahimik si Velasco at hindi masyadong gumagalaw sa Kamara.
Kumbaga, bigo si Velasco na makuha ang suporta ng mga kapwa solon sa nagdaang 15 buwan. Kaya naman hindi tama na basta na lang siya susulpot sa kamara bilang speaker. Hindi naman niya ito birthright.
Oo nga’t nagkaroon ng kasunduan para sa 15-21 term-sharing sa Kamara, pero sa totoo lang, nagawa ng kasulukuyang liderato ng Kongreso sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano ang priority measures ng administrasyon ni Digong.
Kaya nga dahil dito, nakakuha ng pinakamataas na rating ang Kongreso at si Cayetano sa poll surveys ng SWS at Pulse Asia na kauna-unahan sa kasaysayan ng Kamara.
Asahan na natin na makakanti ang kampo ni Velasco dahil kung tutuusin kulang siya sa numero ng mga kongresista na sumusuporta sa kanya. Hindi maitatanggi, na hawak ni Cayetano ang majority kasama na ang Nacionalista Party, National Unity Party, ang partido ni Majority Leader Martin Romualdez, at iba pang miyembro ng coalition kasama na ang ibang miyembro ng party-list group.
Siguradong nagkukumahog na ngayon si Velasco lalo sa pahayag ni Digong na ipauubaya niya sa mga kongresista ang speakership issue kasabay ng pag-amin ng Pangulo na wala siyang magagawa kung hindi makakuha si Velasco ng numero sa Kamara.
Kumbaga, hands-off na ang Palasyo sa bagay na ito.
E bakit pa nga ba magpapalitan ng liderato kung nagawa naman ang dapat na trabaho ng Kongreso lalo na ang listahan ng priority measures ng Palasyo?
‘Ika nga, “Why fix anything that is not broken?”