BINAWIAN ng buhay ang dalawang bata habang ginagamot ang apat pang miyembro ng kanilang pamilya sa bayan ng Daram, sa lalawigan ng Samar, matapos mabiktima ng paralytic shellfish poisoning (PSP) dahil sa kinaing mga tahong.
Ayon sa mga awtoridad, ulam ng pamilya ang tahong noong Martes, 15 Setyembre, na nakuha sa Barangay Bagacay, sa naturang bayan.
Pagsapit ng 11:00 pm noong Martes, isinugod sa Catbalogan Doctors Hospital ang mga miyembro ng pamilya matapos makaranas ng pamamanhid, sakit sa tiyan, pagsusuka, at hirap sa paghinga.
Namatay ang dalawang batang miyembro ng pamilya na may mga edad tatlo at walong taon.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang insidente.
Ayon sa BFAR, ang Daram Island ay kasama sa kanilang lingguhang monitoring para sa posibleng PSP, ngunit noong nakaraang linggo ay negatibo ang samples na nakuha nila mula sa Barangay Bagacay.
“Matter of fact, seawater samples collected from Barangay Bagacay last September 1, 7 & 14, 2020 are negative of PSP causative organism,” anila.
Muling kumuha ng sample ang BFAR para sa pagsusuri.
Paalala ng ahensiya, positibo pa rin sa PSP organisms ang mga katubigan sa mga sumusunod na lugar: Cancabato Bay sa Tacloban City, Matarinao Bay sa General Mac Arthur, Hernani, Quinapondan, at Salcedo, sa Eastern Samar; Carigara Bay sa Babatngon, San Miguel, Barugo, at Capoocan sa Leyte Coastal Waters ng Guiuan, Eastern Samar; Irong-Irong Bay sa Catbalogan City, Samar San Pedro Bay sa Basey, Samar.