NAKATAKDANG isailalim ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mass testing ang mga vendor sa 17 public market sa lungsod ng Maynila sa pagbubukas ng panibago at ikalawang RT-PCR molecular lab sa Sta. Ana Hospital.
Nabatid na prayoridad ni Mayor Isko ang kapakanan ng mga negosyante at residente sa lungsod kaya’t inatasan sina Manila Health Department director, Dr. Poks Pangan, Sta. Ana Hospital director, Dr. Grace Padilla, at Market Administrator Zenaida Mapoy na unahing suriin ang mga vendor at isalang sa mass testing upang matiyak na ligtas ang kanilang paghahanapbuhay gayondin ang mga mamimili sa mga pampublikong palengke.
Plano rin ng alkalde na isunod sa mass testing ng mga vendor ang mga tsuper ng pedicab, tricycle, at pampasaherong jeep sa lungsod.
Matatandaan, mula nang pumutok ang pandemya dulot ng nakamamatay na CoVid-19 ay nagsumikap sa ayuda at patuloy sa agresibong hakbang si Mayor Isko at ang pamahalaang lungsod sa paglaban kontra coronavirus para sa kapakanan ng Batang Maynila. (BRIAN BILASANO)