IDINEKLARA ng Malakanyang na special non-working day sa lalawigan ng Bulacan ngayong Martes, 15 Setyembre, bilang pagtanaw sa anibersaryo ng inagurasyon ng Malolos Congress.
Batay sa Proclamation No. 1013, na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa kapahintulutan ni Pangulong Rodrigo Duterte, isinasaad na ang Bulacan ay gugunitain ang pagdiriwang ng ika-122 anibersaryo ng inagurasyon ng Malolos Congress sa 15 Setyembre, kaya idineklara itong special non-working day.
Binanggit ditong nararapat lamang na ang mga mamamayan ng lalawigan ng Bulacan ay mabigyan ng oportunidad na ipagdiwang at makiisa sa okasyon sa mga kaukulang seremonya.
Sa pagdaraos ng seremonya, paiiralin ang health protocols sa community quarantine tulad ng social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield, at iba pang public health measures.
Matatandaang ang Malolos Congress ay pinagtibay sa Philippine Constitution na kalaunan ay pinangunahan ang proklamasyon ng kalayaan ng Filipinas mula sa kolonya ng Espanya noong 12 Hunyo 1898. (MICKA BAUTISTA)