KINOMPIRMA ng Palasyo na ang pag-uusap nina Pangulong Rodrigo Duterte at US President Donald Trump ang nagbigay daan sa paggawad ng absolute pardon kay US serviceman Joseph Scott Pemberton.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry, hindi lang pagpupulong nina Pangulong Duterte at outgoing US Ambassador to the Philippines Sung Kim ang susi sa paglaya ni Pemberton kundi ang usapan sa telepono ng dalawang world leader.
“Posible po at ang tingin ko hindi lang sa pagpupulong iyan ni Presidente sa dating Ambassador ng Amerika kung hindi iyong kaniyang telephone conversation with President Trump. Pero wala pong kahit sinong privy doon sa telephone conversation na iyan so let us trust the wisdom of the President,” sabi ni Roque sa virtual press briefing.
Naniniwala si Roque na ang absolute pardon kay Pemberton ay kapalit ng bakuna kontra-CoVid-19 na pakikinabangan ng Filipinas mula sa Amerika.
“Ang tingin ko po iyong pardon, bagama’t ito ay personal na opinyon ko, ay para po makinabang ang mga Filipino sa vaccine laban sa CoVid-19 kung mga Amerikano nga ang maka-develop niyan,” aniya.
Ito aniya ang dahilan kaya tinanggap niya ang realidad na may mahalagang interes ng bayan na itinataguyod si Pangulong Duterte sa pagpapalaya kay Pemberton.
“So sa akin po, tinatanggap ko po iyan bilang realidad na mayroong mga mas importante nating mga interes na itinataguyod ang ating Presidente,” dagdag ni Roque.
Itinanggi ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes ang sapantaha ni Roque.
(ROSE NOVENARIO)