NAKULONG nang limang taon at nagbigay na umano ng P4.6 milyon bilang kabayaran para sa civil damages si dating US Marine Joseph Scott Pemberton sa pamilya Laude.
Ito kaya ang rason kung bakit ginawaran ng ‘absolute pardon’ ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang sundalong kano na kumana ng Filipino transgender at tila manok na binalian ng leeg noong 2014?
Ayon kay Julita Laude, ina ni Jennifer Laude, ilang beses siyang sinubukang bayaran ng kampo ni Pemberton para iurong ang kaso noong 2015.
Pero matapang na sinagot ni Mrs. Laude ang abogado nina Pemberton: “’Ikaw Attorney, kung pinatay ang anak mo, magkano mo gusto?”
Pagkatapos ng limang taon, hindi tumigil ang kampo ni Pemberton para ‘bilhin’ ang kanyang kalayaan.
Kaya naman, marami ang nagulantang nang gawaran ni Pangulong Duterte ng ‘absolute pardon’ si Pemberton dahil naniniwala siyang ‘hindi patas’ ang naging trato sa kanya ng gobyerno.
Si Pemberton ay hinatulang mabilanggo ng 1o taon bunsod ng pagpaslang kay Filipino transgender Jennifer Laude noong 2014.
Halos limang taon pa lamang nakapiit si Pemberton sa JUSMAG compound sa Camp Aguinaldo sa Quezon City. Hindi siya isinama sa ibang kulungan na may mga nakapiit na convicted sa iba’t ibang kaso.
Sa mga nabanggit na pangyayari sa itaas, sa palagay ninyo, sino ba talaga ang nabayaran? Sino ang tumanggap ng P4.6 milyones? Ang pamilya Laude ba talaga?
Ano ang masasabi rito ng kanilang dating abogado na ngayon ay Presidential spokesperson, Secretary Harry Roque?
Alam kay ni Secretary Roque ang naganap na bayaran?
Ayon kay retired UP Law dean Pacifico Agabin, maaaring maghain ng petisyon sa Korte Suprema laban kay Pangulong Duterte dahil sa “grave abuse of discretion” sa paggawad ng absolute pardon sa US serviceman.
Kasunod ito ng pag-amin ng abogado ni Pemberton na si Rowena Flores, hindi sila nag-apply ng anomang pardon para sa kanyang kliyente.
“I didn’t really personally apply for any pardon from the President for Pemberton. I didn’t know that any was forthcoming or that anybody filed an application for pardon in his behalf,” aniya sa panayam ng ANC.
Para sa pamilya Laude, labis ang kanilang pagkadesmaya sa naging desisyon ng Pangulo dahil noong 2016 ay nangako siya sa kanila na ipaglalaban niya ang kaso ni Jennifer.
Noong 2016 ay ipinatawag ni Pangulong Digong ang pamilya Laude at sinabihan silang huwag aatras dahil ilalaban niya ang kaso.
Noong 2016 iyon… ngayon ay 2020 na… at mismong si Pangulong Digong ang nagpalaya kay Pemberton sa pamamagitan ng ‘absolute pardon.’
Paano na ang pamilya Laude? Sa tambol mayor na lang kaya sila puwedeng maghabol?!
Secretary Roque, sino ba talaga ang tumanggap ng P4.6 milyones?!