Saturday , November 16 2024

Simulan mo sa inyong pamilya

BAGAMAT iniulat na medyo bumagal ang pagkalat ng CoVid-19 sa bansa dahil kahit paano ay bumaba (umano) ang bilang ng nagpositibo sa nakamamatay na ‘veerus’ hindi pa rin natin maitago na nananatili pa rin ang pangamba sa kasalukuyang situwasyon.

 

Lahat ay natatakot pa rin mahawaan ng CoVid-19 lalo’t wala pang bakuna na panlaban dito.

 

Ibig sabihin pa rin ng pagsasabi ng Department of Health (DOH) na bumaba nang kaunti ang nagpopositibo sa araw-araw na ginagawang testing, nariyan pa rin ang virus – patuloy na umaatake o naghahanap ng makakapitan para kumalat.

 

Kaya patuloy na nananawagan ang lahat – ang pamahalaan maging ang mga pribadong sektor na mag-ingat at sumunod sa pinaiiral na protokol para sa kapakanan ng lahat.

 

Pero sa nangyayari ngayon –  sa araw-araw na testing, kahit na sinabi ng DOH na kahit na paano ay bumaba ang bilang ng nahahawaan ngayon,  meron at meron pa rin positibo sa araw-araw.

 

At ang masaklap, ang pamahalaan ang sinisisi ng marami sa padagdag na padagdag na bilang ng mga ‘biktima.’ Bakit pamahalaan samantalang ginagawa ng DOH at mga LGU ang kanilang bahagi laban sa CoVid? Mukhang hindi naman yata tama pero maaaring may punto ang iba dahil sa una pa lamang ay malaki na ang naging pagkukulang ng DOH – lalo noong pumutok na ang CoVid nitong kalagitnaan ng Pebrero 2020.

 

Naging kampante ang DOH – hinayaan lamang makapasok ang mga dayuhan sa bansa na nagmumula sa orihinal na pinagmulan ng virus – ang bansang Tsina.

 

Nandiyan na iyan – ang virus, kaya huwag nang magsisihan o magturuan at sa halip kung talagang gusto natin bumaba ang nahahawaan at hindi mahawaan ang inyong mahal sa buhay, ang lahat ay kailangang kumilos.

 

Saan at paano ba sisimulan ang pagkakaisa para mapababa natin ang pagdami ng hawaan ng virus?

 

Naalala ko tuloy ang kuwento patungkol sa isang naghihingalong ama sa isang ospital. Bago siya namatay, kanyang pinatawag ang lahat ng kanyang mga anak. Ang sabi niya, pangarap niyang baguhin ang buong mundo pero mahirap daw, kaya aniya’y para madali ay sisimulan na lamang sa isang bansa  pero mahirap pa rin dahil malaki ang populasyon at maraming matitigas ang ulo.

 

Hanggang sa ibinaba niya ito sa regional, provincial hanggang bayan o isang maliit na komunildad ngunit, wala pa rin. Ang hirap pa rin daw baguhin o pasunurin ang lahat para mabago na ang kasamaan.

 

Kaya naisip niya, mas maganda na simulan na lamang muna sa kanyang pamilya…kung saan ay kanyang nagawa bago siya naospital at namatay. Naayos niya ang magulo niyang pamilya at inirespeto ng marami, kapitbahay o sa kanilang komunidad. Naging modelo ang pamilya at ang lahat ay tinularan ang pamilya ng matanda.

 

Kaya, kung nais natin mapababa ang paglobo ng bilang ng positibo sa virus, tigilin na ang pagsisisihan o pagtuturuan at sa halip, simulan natin ang kampanya laban sa virus sa loob ng ating tahanan o pamilya.

 

Bilang magulang, maging modelo tayo sa ating mga anak – sa pagsunod ng mga ipinaiiral na protokol, paggamit ng face mask, face shield, paghuhugas ng kamay sa sabon o alcohol, social distancing, at iba pa.

 

Sa pamamagitan ng tamang pagdisiplina sa loob ng tahanan at dadalhin sa labas, makikita ng kapitbahay hanggang sa maging komunildad ang kabutihan o ang pagsunod sa health protocol, naniniwala tayo na ang lahat ay mababago sa bansa. Bababa at bababa ang bilang ng biktima.

 

Pero kung ikaw ay puro satsat, puna at wala naman ginawa o hindi rin naman sumusunod sa panawagan ng pamahalaan o simulan ang lahat sa pamilya, mas mabuti pa ay manahimik na lamang…at baguhin ang sarili.

 

Kung baga, bago pumuna, tingnan mo muna ang iyong sarili. Tanungin mo sa sarili kung ikaw ba ay sumusunod sa health protocol?

 

Hindi naman lingid sa kaalaman natin na ginagawa ng pamahalaan ang lahat, nasyonal at lokal – kahit ang pagnanakaw mula sa pondo para sa CoVid este, ang kampanya pala laban sa CoVid pero, kung hindi makikiisa dito at kung hindi sisimulan sa sarili para sa pamilya, talagang hindi mapabababa ang pagdami ng biktima.

 

Kaya sa target ng pamahalaan na “to flatten the curve” simulan natin ito sa pamilya at makikita mo, susunod na riyan ang komunidad, bayan, probinsiya, regional o buong bansa – o buong mundo.

 

Ano pang hinihintay mo kabayan, oo ikaw na pulos puna ang nalalaman pero hindi naman marunong sumunod, simulan mo na sa inyong pamilya ang lahat.

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *