KUNG tutuusin, hindi na bagong balita ang usapin na si Arnold Clavio ang ama ng panganay na anak ni Sarah Balabagan. Panis na ang balitang ito at matagal nang paulit-ulit na lumulutang lalo na kung merong nasasaling si Arnold na malalaking politiko.
Kaya nga, hindi nakapagtataka kung bakit biglang pumutok ang balita sa social media at ang biglang paglutang ni Sarah na sinasabing si Arnold ang ama ng kanyang panganay na anak. Siguradong merong nasagasaang malaking politiko si Arnold sa kanyang programa sa GMA kaya bigla na namang nabuhay ang isyu sa pagkakaroon niya ng anak kay Sarah.
Bagamat nakasama ko noon si Arnold sa ilang coverage ng mga demonstrasyon at rally ng mga leftist group, hindi masasabing naging sanggang-dikit kami lalo na nang umalis ako sa media at pumalaot sa ibang media work.
Pero sa aking pagkakaalala, ang usaping Arnold-Sarah, sa panahong mainit itong pinag-uusapan sa media ay naging paulit-ulit na lang hanggang sa dumating ang panahong hindi na ito pinapansin at pinagsawaan na ng mga journalists.
Sabagay, kung kapanatagan at kapayapaan sa sarili ang layunin ni Sarah sa paglutang niya mismo at pagsasabing si Arnold ang ama ng kanyang anak na panganay, ay tama lang na gawin niya ito.
At tama namang sabihin ni Sarah na ang kanyang paglutang ay para matapos na ang tsismis o usap-usapan, at sabihin ang katotohahan kung sino ang ama ng kanyang panganay na anak at hindi para siraan si Arnold.
Kung matatandaan, si Sarah ay nakulong sa United Arab Emirates sa kasong murder. Pinatay niya ang kanyang among Arabo nang tangkain siya nitong gahasain noong siya ay 14-taong gulang pa lamang.
Unang nagkakilala si Arnold at si Sara nang i-cover ng journalist ang dating OFW habang ito ay nakakulong sa UAE. Muli silang nagkita sa Filipinas nang makalaya si Sarah sa pagkakakulong noong 1991.
At sa pagbabalik sa Filipinas, nagsimula ang relasyon nina Arnold at Sarah.
Kung titingnang mabuti, wala naman talaga sanang problema ang isyu ng Arnold-Sarah kung sa simula pa lamang ay inamin na kaagad nilang dalawa ang kanilang relasyon na nagbunga ng panganay na anak ni Sarah.
Pero hindi ito nangyari at nanatiling ‘open secret’ ang kontrobersiya nina Arnold at Sarah.
Ang nakapagdududa lang ay ang biglang paglutang ni Sarah. Bakit hindi siya lumutang noong una pa man at bakit hinintay pa niya ang sitwasyon na meron nasagasaang malaking politiko si Arnold?
‘Yung timing kasi!
SIPAT
ni Mat Vicencio