KARAGDAGANG CoVid-19 Laboratory ang itinatayo sa Sta. Ana Hospital upang maisalang ang mga residente ng Maynila sa swab test sa ilalim ng programa ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Inianunsiyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagtatayo matapos tanggapin, kasama sina Vice Mayor Honey Lacuna at Secretary to the Mayor Bernie Ang, ang donasyon na dalawa pang karagdagang machine.
Ayon kay Ang, tinawag niya itong “Daan Natch CS Extraction Machines” na pinaka-accurate sa confirmatory method of swabbing at fully-automated nucleic acid extraction system.
Kaugnay nito, nagpasalamat si Mayor Isko sa Ayala Foundation at sa grupo ng mga kompanya nito sa pagpapagawa ng itinatayong laboratory na umaabot sa P7.8 milyon ang halaga.
Ipinaliwanag ng alkalde na mahal ang magpatayo ng laboratoryo dahil bukod sa mga kakailanganing kagamitan, maging ang ventilation ay dapat i-regulate para matiyak na mapoprotektahan ang frontliners.
Sa kasalukuyan, nasa 200 hanggang 250 tao ang naisasalang sa test nang libre kada araw sa kasalukuyang laboratoryo.
Gusto ni Mayor Isko na makarekober ang CoVid-19 patients nang maayos kasunod ng isasagawang testing. (B. BILASANO)