BINIGYANG PUGAY ng iba’t ibang grupo ang medical frontliners na nagbuwis ng kanilang buhay para labanan ang CoVid-19 pandemic sa bansa.
Nitong Lunes, nagtipon-tipon ang iba’t ibang grupo sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City kasabay ng paggunita sa sa Araw ng mga Bayani ngayon, 31 Agosto.
Nag-alay sila ng dasal, bulaklak, at mensahe ng pasasalamat upang alalahanin ang sakripisyo ng frontliners sa panahon ng pandemya.
Kasunod nito, umaapela sila sa pamahalaan na dagdagan ang benepisyo ng medical frontliners upang masuklian ang kanilang sakripisyo para sa bayan.
Samantala, hindi naiwasan ng militanteng grupo na tuligsain ang gobyerno sa umano’y mabagal na aksiyon sa pagtugon sa CoVid-19.
Hiningi nila ang mas marami pang mass testing, tracing, dagdag na pondo, at benepisyo para sa medical workers upang maihatid ang epektibong serbisyo sa mamamayan. (ALMAR DANGUILAN)