“THE Philippines has a special friendship with China.”
Para sa mga nagbabasa nito na nagkataong kagigising lang, huwag sana kayong mahulog sa kama o itigil ang pagbabasa ng kolum na ito. Gaya n’yo, inakala kong panaginip lang ‘yang nabasa n’yo.
Pero sa totoo lang, ito mismo ang mga eksaktong salitang namutawi sa bibig ng Presidente ng ating republika simula nang tumira siya sa Malacañang.
Maraming beses na sa mga balita, quoted ang mga salitang ito na para bang bahagi ng isang mission-vision statement para sa bagong kabanata sa ugnayan ng ating bansa sa China.
Siyempre pa, ang nakapagitna sa ugnayang ito ay South China Sea.
Hindi naman ganoon kasimpleng maging biglaang “beshie” ng isa sa pinakamakapangyarihang bansa sa mundo. Kailangang may ticket ka upang makahalubilo ang mga bigatin.
Nagkataong ang ating “ticket” ay nalilinya sa level ng elitista – isang dokumento mula sa The Hague na nagbabasura sa pag-angkin ng China sa mga teritoryo sa South China Sea at, kasabay nito, kinikilala ang soberanya ng Filipinas sa mga teritoryong inaangkin ng China bagamat nasasaklawan ng ating exclusive economic zone (EEZ).
Maikokompara ito sa isang alas na — sabi nga sa prinsipyong live-or-die sa The Godfather — maging malapit tayo sa ating mga kaibigan, pero higit na malapit sa ating mga kaaway. Ibig sabihin, pareho nating kakampi ang Amerika at China, na kapwa may tagos-sa-butong interes sa pinag-aagawang teritoryo.
Pero matapos isantabi ang hatol ng The Hague sa ngalan ng ating “MU” (mutual understanding) sa China, saan nga ba tayo dinala ng espesyal na pagkakaibigang ito?
Nagtatayo ang China ng mga artipisyal na estruktura sa bahaging saklaw ng ating mga karagatan, binakuran ang ating EEZ, itinataboy ang ating mga bangkang pangisda, kinokompiska ang huli ng ating mga mangingisda, itinututok ang kanilang radar guns sa ating mga eroplano, at nagpapakawala ng missiles malapit sa mga hangganan ng ating karagatan.
Napuno na ang salop para sa ating Foreign Affairs Secretary, at noong nakaraang linggo ay pinagbantaan ang China na “asahan ang pinakamatindi” sakaling madamay ang teritoryo ng Filipinas sa mga naval war games na ito. Una nang inirekomenda ni Sec. Teodoro Locsin, Jr., ang pagpapawalang-bisa sa mga lokal na kontrata natin sa mga kompanyang Chinese na mapatutunayang nasa likod ng pangangamkam ng ating mga teritoryo sa South China Sea.
Sa ngayon, tahimik ang Presidente tungkol dito. ‘Yun pa rin ang kanyang mantra, at hindi nagbabago: “The Philippines has a special relationship with China.”
Hindi pa natin nasusubukan kung maaasahan ba talaga natin ang espesyal na pagkakaibigang ito. Pero gaano man karaming beses nating marinig na sinasabi ito ng Pangulo, para sa akin ay base lang ito sa pagkakaintindi niya, taliwas sa katotohanang nakatatakot ang pakikipagkaibigan ng China sa Filipinas.
Gaano man kaastig, ang polisiyang panlabas ni Duterte pagdating sa China ay lalong hindi nagiging katanggap-tanggap habang lumilipas ang panahon – marahil dahil ang China ay isa lang talagang walang kuwentang kaibigan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.