Monday , December 23 2024

ASG, nabibigyan kasi ng pagkakataon para lumakas

NAKAPAGTATAKA bang nangyari ang kambal na pagsabog nitong Lunes sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng 75? Hindi na at masasabing maaaring inaasahang mangyayari ang insidente. Bakit? Hangga’t buhay ang tropa ng mga lokal na terorista sa bansa partikular sa Mindanao, mangyayari at mangyayari ang pag-atake.

 

Ang masaklap lang kasi, kapag nakagawa na ng malaking accomplishment ang mga sundalo at pulisya laban sa mga terorista – iyon bang sinasabing napilayan na raw nila ang mga kalaban, hayun nagpapakampante na ang tropang gobyerno natin.

 

Sa pagkampante, muling umuusbong ang mga bandido, nakapagre-recruit uli sila hanggang lumaking muli ang kanilang grupo at maluwag na nakakikilos hanggang sa …. “boom.” Hayun, kaya nangyari ang panibagong pambobomba sa Jolo.

 

Ilang beses nang ‘iniyayabang’ ng mga top brass ng Philippine Army (PA) na pilay na at napulbos na nila ang grupong Abu Sayyaf sa tuwing may matagumpay na operasyon laban sa grupo pero ano!? Lumalabas na papogi lang pala ang lahat ng press release nila.

 

Isa nga sa panibagong patunay ang matagumpay na pag-atake ng Abu Sayyaf sa Jolo. Sa kabila na nasa quarantine ang bansa at halos bawat kanto ay may checkpoint, nagawang malusutan ng mga bandido ang mga sundalo at pulis.

 

Nangyari ang pagsabog, una’y 11:54 ng umaga at ang ikalawa naman ay makalipas lamang ang isang oras. Matao ang lugar at masasabing nagkalat din ang militar at pulis na nagbabantay pero nakalusot ang dalawang babaeng suicide bomber.

 

Hindi naman natin sinasabing mahina ang tropang gobyerno natin, katunayan ay talagang ginagawa nila ang lahat para mapanatili ang seguridad ng bansa pero bakit madalas na nangyayari o nakalulusot ang mga terorista? Ibig bang sabihin nito ay mahina ang intel network ng militar sa paniniktik sa mga plano ng mga bandido? Hindi naman siguro at sa halip, nagkataon lang nakalusot ang mga bandido.

 

Tandaan natin ha, nangyari ang insidente habang nasa quarantine ang buong bansa na may mga checkpoint sa bawat sulok. Ibig sabihin, kung may mga checkpoint ay nakaalerto ang lahat. Nakaalerto man ang lahat para sa CoVid-19, dapat ay awtomatikong alerto rin ang tropang gobyerno laban sa kalaban ng pamahalaan kabilang na rito ang syndicated criminals at mga pipitsugin.

 

Ngayon sa nangyari sa Jolo, inalerto na naman ang militar at pulisya, hindi lamang sa Jolo o kamindanawan kung hindi sa buong bansa lalo sa Metro Manila sa pangambang aatake ang iba’t ibang tropa ng lokal na terorista sa bansa.

 

Okey iyan, pabor tayo sa alerto-alerto pero bakit pinaiigting lang ang pagkaalerto kapag may nangyari nang pag-atake, hindi ba mas mainam kung laging nakaalerto ang mga sundalo at pulisya natin lalo sa mga itinayong checkpoint?

 

 

Kunsabagay nga pala, hindi rin nakapagtatakang maraming nakalulusot na bandido o kriminal (riding-in-tandem) sa checkpoint lalo sa National Capital Region (NCR) dahil masyadong abala sa kani-kanilang cellphone ang mga pulis sa mga checkpoint.

 

Marami tayong nadaraanang checkpoint sa Metro Manila, estrikto lang sila kapag nasa enhanced community quarantine (ECQ) o modified ECQ ang NCR pero kapag nasa general community quarantine (GCQ) na, palamuti na lamang ang mga pulis, natutulog lang sa pansitan ang mga pulis sa checkpoint o abala sa kate-text kaya, hindi na nakapagtatakang nakalulusot ang ano man klase ng bandido sa nais maghasik ng kaharasan.

 

Huwag naman sana, opo huwag na huwag naman sanang mangyari ang nangyari sa Jolo hindi lang sa Metro Manila kung hindi sa key cities ng bansa.At siyempre para hindi mangyari ito, dapat hindi maging kampante ang tropang gobyerno natin, seryosohin ang pagbabantay sa mga checkpoint – hindi lamang dahil sa CoVid kung hindi para hindi makalusot ang mga nais maghasik ng kaharasan.

At, sa gera naman laban sa Abu Sayyaf, sana naman ay hindi lang hanggang umpisa kung hindi tuloy-tuloy ang operasyon laban sa grupo lalo na kapag sinasabing pilay na ang grupo. Huwag nang bigyan pa ng pagkakataon ang terorista na makapag-recruit para mabuhay uli. Ang nangyayari kasi, kapag sinasabing napilayan na ang ASG, mababaw na opersyon ang ikinakasa laban sa tropa kaya nagkakaroon ang terorista ng pagkakataon na makapag-recruit para lumakas.

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *