MUKHANG hindi pa rin natitigatig ang Eat Bulaga kahit sinasabing may mga nagbabantang kalabanin sila mula sa isang UHF network, at ngayon ay may lalabas pa raw sa free tv, bukod nga roon sa rati na nilang kalabang It’s Showtime, na ngayon naman ay napapanood na lang sa cable at internet.
Kahit sinasabing live na nga ulit ang Eat Bulaga, parang kulang pa rin dahil si Vic Sotto ay makikita mo na lamang na naka-video link mula sa kanyang bahay, at matagal na ring wala si Joey de Leon. May dahilan naman, dahil sa protocol na ipinatutupad ng IATF, halos ayaw na ngang palabasin sa bahay ang mga senior citizen, at senior na nga pareho sina Vic at Joey. Pero sa totoo lang, malabnaw ang show kung wala silang dalawa. Ang isa pang nakakalabnaw ng Eat Bulaga ay wala ka na ngang mapanood maliban doon sa pinahabang Bawal Judgmental. Hindi gaya ng dati na bukod sa games, mayroon din silang iba pang entertainment numbers.
Pero siguro kampante nga sila dahil sa paniniwalang iyang panonood ng tv ay isang habit, at mahigit na apat na dekada na nga sila sa telebisyon. Pero ganyan ang mentality noong araw nang tinalo nila ang Student Canteen. Nasingitan nila iyon dahil sa mga bagong gimmick, mas maraming entertainment numbers, at malakas sa sales force noon dahil kay Romy Jalosjos. Eh paano kung masingitan silang bigla ng ganyan din?
Palagay namin, dapat na magdagdag na lang sila ng mga safety measure pero pabalikin na nila sina Vic at Joey sa kanilang studio. Palagay naman namin, kung tama ang gagawin nilang disinfection ng kanilang studio, hindi naman mahahawa ang mga senior at sino man sa kanila.
Huwag nilang sabihin na bale wala ang kanilang mga makakalaban sa ngayong bago.
HATAWAN
ni Ed de Leon