PARA makabalik sa free tv, sinasabi ngayong may negosasyon para ang mga palabas ng ABS-CBN ay mai-air naman ng Zoe TV, na ang may-ari ay iyong Jesus Is Lord movement ni Bro. Eddie Villanueva. Noong araw, iyang Zoe ay ginamit din ng GMA, riyan nagsimula iyong GMANews TV. Noong mag-migrate na sila sa digital, binitiwan na nila ang Zoe, na ngayon ay on the air bilang Light TV, na ginagamit for religious purposes.
Ang totoo, iyang Zoe TV na iyan ay nakakuha ng franchise bilang isang religious television channel. Noong una, ang usapan pa nga ay maghahati dapat diyan ang JIL at ang El Shaddai. May kompletong broadcast equipment na rin ang El Shaddai, pero hindi nga rin natuloy ang hatian.
Kung iyan ang gagamitin ng ABS-CBN, hindi kagaya iyan ng signal ng transmitter nila rati. Hindi nila magagamit ang transmitter nila para sa Zoe. Kung blocktimer sila, isusumite lang nila ang program content sa Zoe at ie-air iyon ng mga tauhan ng Zoe mismo. Iyan na ang naging problema nila roon sa AMCARA eh, lumabas na sila ang nagpapatakbo niyon at nagmumula ang signal sa kanilang transmitter mismo. Kaya non operational na rin ngayon ang AMCARA.
Kung sa bagay, mas maganda ngang masabi na mayroon din silang on the air broadcast, bukod doon sa kanilang internet programming. Kasi kahit na sabihin nilang milyon ang followers nila sa internet, nananatiling sa internet lamang iyon at malaki ang kaibahan ng on the air broadcast.
Legal naman iyan, dahil lalabas na bilang blocktimer, sila ang producer ng content at nagbebenta niyon sa advertisers. Binabayaran naman nila ang airtime ng ZOE. Pero ewan kung ano ang kalalabasan. Noong una sinasabing may ganyan din silang pakikipag-usap sa IBC 13.
HATAWAN
ni Ed de Leon