NOONG una ayaw nating isipin na parang ‘nanggagago’ lang ang opisyal ng gobyerno na nag-utos na kailangan may barrier sa pagitan ng mag-asawang magkaangkas sa motorsiklo.
Hindi kasi natin makita ang lohika ng kautusan gayong magkasama ang mag-asawa sa bahay.
Kung sumusunod sa batayang health protocols na ipinaiiral ngayon upang hindi mahawa sa CoVid-19, wala tayong nakikitang ‘panganib’ na magkahawaan kung magkaangkas man ang mag-asawa.
Mas malaking panganib ang pagkakabit ng plastic barrier lalo na kung malakas ang hangin. Malamang na ikadisgrasya pa ito ng motorista at ng kanyang asawa.
Pero dahil huhulihin at pagmumultahin ang mga hindi magko-comply sa barrier, marami ang naghanap at bumili.
Marami ang nakabili na ni-reject kasi hindi raw iyon ang design kaya palit na naman. Doble tosgas na ‘yan.
Noong ibaba ang ikalawang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR at sa iba pang lugar, nitong 1 Agosto hanggang 18 Agosto, biglang pinayagan na puwede na raw mag-angkas ang motorsiklo kahit hindi nila asawa basta makapagpakita lang ng dokumento na sila ay authorized person/s outside of residence (APOR).
Medyo nakalilito pero uunawain pa rin natin, kasi nga may pandemya.
Heto ngayon, ini-lift na ang MECQ at idineklara nang under general community quarantine (GCQ) ang NCR at iba pang probinsiya kasunod no’n biglang sinabi na puwede nang walang barrier ang mga motorsiklo?!
Wattafak!
Okey lang po ba kayo, mga bossing sa Inter-Agency Task Force (IATF) o sa National Task Force o sa Joint Task Force COVID-shield?!
Mukhang parang nai-stress kayo dahil parang nalilito na kayo sa mga desisyon ninyo? Ang dami ninyong pinabili ng barrier ‘e ang hirap na nga ng buhay at ang hirap kumita ng salapi, pinagastos n’yo pa tapos puwede naman palang wala?!
Sino ba ang kumita riyan sa barrier na ‘yan sa inyo?!
Puwede namang wala, ‘ginimikan’ pa ninyo ‘yung mga motoristang nagsisikap makatipid at kumita para sa pamilya tapos pinatosgas pa sa ‘kalokohan.’
Bakit ninyo tinanggal ang barrier? Natakot kayong ma-karma gaya ng nangyari sa ‘master mind’ ng barrier sa motorsiklo?!
Wala ba talaga kayong nararadamang “compassion and empathy?”
Tsk tsk tsk…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap