PATAY ang isang retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP), habang sugatan ang iba, nang bumagsak at gumuho ang kanyang tatlong-palapag na bahay sa magnitude 6.6 lindol na yumanig sa bayan ng Cataingan, sa lalawigan ng Masbate, noong Martes ng umaga, 18 Agosto.
Unang nasukat ang pagyanig ng lupa sa magnitude 6.5, na tumama 5 kilometro sa timog kanluran ng Cataingan dakong 8:03 am.
Ayon kay Masbate Police director P/Col. Joriz Cantoria, natabunan ang biktimang kinilalang si P/Col. Gilbert Sauro nang gumuho ang kaniyang tatlong palapag na bahay.
Kinilala ang isang residenteng nasugatan sa insidente na si Ronalyn Condrillon, habang dinala sa pagamutan ang apat na iba pang residenteng nailigtas mula sa gumuhong bahay ni Sauro.
Ayon kay Masbate provincial administrator Rino Revalo, walang makapagsabi kung ilang tao ang nasa bahay ng retiradong pulis nang tumama ang lindol.
Nagpadala na umano sila ng heavy equipment upang patuloy na hukayin ang lugar na pinagguhuan ng tatlong palapag na gusali.
Nabatid na nakaranas ang lalawigan ng mga mahihinang pagyanig na may lakas na magnitude 4.1 at 4.5, bago ang malakas na lindol kahapon ng umaga.
Pinag-uusapan ng mga lokal na opisyal na ilikas ang mga pasyente sa Cataingan District Hospital at mga asymptomatic CoVid-19 patient na kasalukuyang nasa coliseum dahil sa mga bitak matapos ang malakas na pagyanig.
Pinayohan din ni Revalo ang publiko na huwag munang gamitin ang Cataingan port dahil lubha itong napinsala base sa mga larawang ipinadala sa kanilang tanggapan.
Napinsala din ng lindol ang municipal police station, Public Attorney’s Office, at ang luma at bagong pamihilhang bayan ng Cataingan. (KLGO)