ni Ed de Leon
Ate Vi positibo — Hindi mamamatay ang showbiz
MATAPOS na maibalik ang kanilang probinsiya sa GCQ, nanawagan si Congresswoman Vilma Santos sa lahat na kahit na nagluwag na ang quarantine, dapat ay mas ibayong pag-iingat pa rin ang mga tao.
“Kahit na naghigpit ang quarantine, marami pa rin ang nagkakasakit, lalo na ngayong sinasabi nilang nag-mutate na iyong Corona virus at mayroon nang isang bagong strain na mas madaling makahawa. Hindi lang natin alam kung mas malala ang sakit na dala, pero mas madali raw iyong makahawa. Tayo naman ginagawa natin ang lahat ng safety protocols, kaya lang may mga taong hindi mo mapigil.
“Sasabihin nila, wala naman silang maaasahang sapat na ayuda, dahil hindi naman kaya ng gobyerno na ayudahan ang lahat, kaya kahit na sabihin mong lockdown, lumalabas pa rin sila. Ang katuwiran nila, mas mahirap mamatay sa gutom kaysa Covid. Naiintindihan ko iyon, kasi siguro iyong magulang makapagtitiis pa ng gutom, pero hindi niya matitiis na magutom ang kanyang mga anak. Kaya nagpipilit pa rin sa kabila ng mga safety protocols.
“Kaya ang sinasabi ko, nagluwag ngayon dahil kailangang i-balance rin ang ekonomiya ng bansa. Kaya nasa atin na iyan, kailangan na ang ibayong ingat,” sabi ni Ate Vi.
Ang showbiz, sa palagay ba niya talagang patay na?
“Hindi mamamatay ang showbiz. Sabihin nating siguro nga nagpapahinga lang dahil sa kasalukuyang sitwasyon. Pero oras na matapos ang problema, tiyak iyan balik na naman ang showbusiness. Hindi puwedeng hindi maglibang ang mga tao, at iyang showbusiness ang pinaka-wholesome at pinakamurang source of entertainment. Magkano lang ang bayad sa sine? Magkano lang ang bayad sa concerts. Iyong TV libre pa. Naniniwala ako na mabubuhay pa rin ang showbusiness pagdating ng tamang panahon,” sabi pa ni Ate Vi.
HATAWAN
ni Ed de Leon
ni Ed de Leon