Umani ng papuri ang isang pulis at mga kasama niya sa bayan ng Sta.Maria, sa lalawigan ng Bulacan matapos tulungan ang isang security guard na namamasukan kahit may pandemya para sa ikabubuhay ng pamilya.
Si P/SSgt. Melvin Rogero, nakatalaga sa Sta. Maria Municipal Police Station (MPS), ay kabilang sa mga pulis na nagmamando ng quarantine checkpoint sa Barangay Pulong Buhangin, sa bayan ng Sta. Maria, sa lalawigan ng Bulacan.
Habang nakatalaga sa quarantine checkpoint ay napansin ni Rogero ang isang security guard na pagod na pagod sa pag-pedal ng isang kiddie bike gamit ang tsinelas bilang preno, na alangan sa kanyang taas.
Pinahinto ni Rogero ang bike sa quarantine checkpoint hindi upang sitahin kung hindi para alamin kung saan ito naka-duty at bakit kiddie bike ang gamit nito.
Kinilala ang security guard na si Victor de Guzman na naka-duty sa simbahan ng Norzagaray at pumapasok gamit ang kiddie bike kahit may pandemya para may makain ang pamilya.
Nasa 10 kilometro ang layo ng tinatakbo ni De Guzman gamit ang kiddie bike galing Sta. Maria dahil walang biyahe ang mga sasakyan.
Dito nakita ni Rogero ang dedikasyon sa trabaho ni De Guzman upang mabuhay ang pamilya kaya kinausap niya ang mga kasamang pulis sa quarantine checkpoint at napagpasiyahan nilang bigyan ang sekyu ng isang malaking bisikleta.
Sa sama-samang kontribusyon ay nakabili ang mga pulis ng bisikleta na ipinagkaloob nila kay De Guzman na maluha-luha niyang tinanggap kasunod ang taos-pusong pasasalamat kay Rogero at sa mga kasama niya.
Kumalat online ang ginawang pagtulong ni Rogero at mga kasamang pulis sa security guard na si De Guzman at hindi matapos-tapos ang pagpuring inabot nila sa mga netizens sa Bulacan.
(Micka Bautista)