SA HUWEBES, Agosto 20, muling ipagdiriwang ng mga nagmamahal kay Fernando Poe, Jr., ang kanyang ika-81 araw ng kapanganakan. At sa paggunita ng mga tagahanga ni FPJ, higit na kilala sa taguring Da King, inaasahang muling sasariwain ang magagandang alaalang kanyang iniwan.
Sa puntod ni Da King, sa Manila North Cemetery, ang pagsasama-sama ng mga tagasuporta para muling ipakita ang pagkakaisa at ipadama ang pagmamahal sa kaarawan ng kanilang hinahangaan.
Noong nakaraang taon, sa harap ng puntod ni Da King, sina Sen. Grace Poe at Manila Mayor Isko Moreno, kabilang na ang mga supporters, ay nagbigay ng pagpupugay sa kanilang idolo sa araw ng kanyang kaarawan.
Mensahe ni Grace sa kaarawan ni Da King…”Kung nabubuhay ang aking ama, walang pag-aalinlangang tutulong siya sa mga nangangailangan lalo na sa panahon ng pandemya. Sa kanyang simpleng pagkatao, tinitiyak kong mangunguna siya upang magbigay ng suporta sa mga kapos-palad.”
Sabagay, kahit naman walang pandemya at noong nabubuhay pa si Da King, talagang tumutulong na siya sa mahihirap. Hindi matatawaran ang maraming mga kababayang natulungan ni Da King.
Sabi pa ni Grace…”Ang pagkalinga sa mga hikahos ay kakambal na tungkulin ng aking ama. Lagi’t lagi ko itong pagyayamanin lalo na sa panahong nahaharap tayo sa matinding pagsubok.”
“At sa paggunita ng ika-81 kaarawan ng aking ama, nananalig akong hindi lilimutin at magpapatuloy ang magandang alaalang kanyang iniwan sa ating mga kababayan.”
Sayang at wala na nga si Da King. Hindi na natin makikita si Idol na nangunguna para magbigay ng ayuda sa mga kapos-palad nating mga kababayan. Tiyak kong dadagsain ang FPJ Studio sa Quezon City dahil alam nilang mamimigay ng tulong ang kanilang hinahangaan.
Sa ngayon ay ipinagpapatuloy naman ni Brian, anak ni Grace, ang pamimigay ng tulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng Ang Panday Bayanihan. Sa panahon ng mga kalamidad ay naroon Ang Panday Bayanihan at tumutulong sa mga kapos-palad.
Walang kupas si Da King at hindi pa rin siya nililimot ng kanyang mga tagasuporta at tagahanga. Magpapatuloy ang kanyang naiwang alaala sa kabila na matagal na panahon siyang binawian ng buhay.
At sa pagdiriwang ng kaarawan ni Da King sa Huwebes, sana naman ay hindi rin limutin ang nangyaring pandaraya noong eleksiyon ng 2004 nang tumakbo bilang presidente laban kay Gloria Macapagal-Arroyo.
Para kay Da King… Happy birthday!
SIPAT
ni Mat Vicencio