KINAKAILANGANG isailalim sa contact tracing ang nasa 20,000 indibidwal mula sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Health Secreatry Francisco Duque III, ito ay matapos makapagtala ng 2,018 kompirmadong kaso ng COVID-19 ang lalawigan, na mayroong 788 recoveries at 58 fatalities.
Matatandaan, ilang opisyal ng Inter-Agency Task Force at National Task Force on CoVid-19 ang bumisita sa Bulacan matapos tumaas ang virus cases sa lalwigan.
Sa ngayon ay sinasabing nasa warning zone na ang sitwasyon sa lalawigan dahil sa halos mapuno na ang CoVid-19 beds at isolation rooms dito.
Dagdag ni Duque, medyo malaki ang kakulangan sa quarantine facility at bed capacity ng Bulacan kaya nagdesisyon silang magtungo sa lalawigan upang makapagbigay ng suhestiyon.
Pahayag ng kalihim, pumayag ang DepEd na magamit ang kanilang public elementary school buildings upang punan ang pangangailangan ng probinsiya pagdating sa karagdagang isolation at quarantine facilities.
Samantala, sinabi ni Bulacan Governor Daniel Fernando, kahit isailalim sa general community quarantine (GCQ) ang lalawigan, nararapat pa rin panatilihin ang estriktong pagpapatupad ng health protocols.
(MICKA BAUTISTA)