HALOS wala nang dalawang linggo bago magsimula ang klase sa 24 Agosto, nagpositibo sa CoVid-19 halos lahat ng miyembro ng pamilya ng mga guro sa lungsod ng Baguio.
Dahil dito, nagdesisyon ang isang miyembro ng pamilya na ilabas ang kaniyang pagkakakilanlan upang mapabilis ang contact tracing at mailahad ang kanilang karanasan kaugnay ng sakit.
Nagsimula umano ito nang isa sa kanila ay nahawaan ng virus nang dumalo sa isang pulong kasama ang iba pang mga guro para sa paghahanda ng mga module para sa online classes.
Hindi kalaunan, nahawa na isa-isa ang mga guro sa pamilya kabilang ang kanilang mga magulang, at dalawa lamang sa kanila ang nagnegatibo sa COVID-19.
Sa salaysay ng gurong si Norberto Rodillas, naniniwala siyang nakuha niya ang sakit mula sa isa nilang kaanak.
“Ako ay isang taong nahawaan ng nakamamatay na sakit, ang CoVid-19. Noong una halos hindi ko alam ang aking gagawin. Ako ay nalungkot, natakot at halos umiyak,” panulat ni Rodillas.
Sinabi rin niya na nasa ospital ang kaniyang mga magulang at isa niyang kapatid dahil sa CoVid-19, at nahawaan na rin maski ang kaniyang tiyahin.
Naitala ang unang positibong kaso sa kanilang purok noong 25 Hulyo at ayon sa Baguio Health Department, tanging sa pamilya lamang nila Rodillas ang naitalang aktibong kaso sa naturang lugar.
Dagdag ni Rodillas, sa kabila ng trahedyang sinapit ng kanilang pamilya, hindi sila nakaranas ng anomang diskriminasyon.
“Mga magagandang messages ng aking kapwa guro, kaibigan, kumare, kumpare, at kamag-anak ang siyang nagbibigay lakas at sigla sa akin habang nasa hospital ako,” ani Rodillas.
Kabilang sa mensaheng natanggap ni Rodillas,na isa rin volleyball coach, ay mula sa kaniyang estudyante na nagsasabing “You can spike your disease.”
Matatandaang nanawagan ng tulong ang isang grupo ng mga guro sa Department of Education (DepEd) para sa pagpapagamot ng mga gurong nagpositibo sa COVID-19 matapos ang mga balitang ilang guro ang nahawa sa sakit habang ginagampanan ang kanilang tungkulin na magpunta pa rin sa paaralan.
Bagaman nauna nang sinabi ng DepEd na walang budget na nakalaan sa pagpapagamot ng mga guro, ipinahayag ni Bise Presidente Leni Robredo na mayroong maaaring makuhang panggalingan ng pondo para sa budget ng kagawaran.