DAHIL sa takot sa lumolobong bilang ng Covid-19 positive, hindi muna tumatanggap ng trabaho si KitKat.
Ilang alok na trabaho na nga ang tinanggihan nito dahil na rin sa takot na baka dapuan siya ng nakamamatay na sakit.
Post nga nito kamakailan sa kanyang FB, “HUHUHU! Another work na tinurn down, kakahinayang pero mas mahalaga buhay ko at buhay ng pamilya ko.
“Bukod sa take advantage naman sa pagtawad e, oo nga kikita ng konti, sakit naman abutin ko walang maayos na sinabi pa kung pano kami mapapangalagaan… Hayzzz.”
Bahagi nga ng kuwento ni Kitkat na simula ng nagpatupad ng lockdown ay ni minsan hindi pa siya lumabas ng bahay sa takot na mahawa.
“Mahigit 4 months na akong di lumalabas, (ayoko talaga) hindi ko na natutungtungan kahit ang garahe namin (takot ako sa hangin) or nakakalapit sa gate namin.
“Ayoko kahit magbukas ng bintana or pinto di kami nagkikita ng araw. Pati kotse ko di na rin ako kilala marunong pa kaya ako magmaneho?! #betterSafeThanSorry.”
At kahit ang kanyang mga magulang ay ‘di na nito nagagawang dalawin at hindi rin puwedeng bumisita sa kanila dahil parehong senior citizen na at parati na lang niyang tinatawagan via video call para kumustahin ang kalagayan.
At maging ang pagbili ng kanilang maintenance (gamot) ay ipinakikiusap lamang niya sa kakilalang malapit sa bahay sa Quezon City.
At ang isang bagay na pinagkaabalahan nito during lockdown ay ang pagti-Tiktok at ang pagco-concert na kanyang ipino-post sa social media. Nag-o-online selling din siya at ang kanyang asawa ng tuna at salmon at mga produktong ineendoso ni Kitkat katulad ng Sodium Ascorbate Alkaline, Beautederm Products atbp..
Thankful din nga si Kitkat sa CEO-President ng Beautederm na si Rhea Anocoche-Tan dahil isa ito sa tumutulong sa kanya at sa iba pang ambassador ng Beautederm at laging kinakamusta ang kanilang kalagayan. Kaya naman masayang-masaya ito na naging parte ng Beautederm na ngayon ay nagdiriwang ng ika-11 isang anibersaryo.
MATABIL
ni John Fontanilla