AMINADO si Congresswoman Vilma Santos na talagang sa ngayon ay tagilid ang movie industry at ang masakit, sinasabi nga ng mga observer na hindi ito agad makababangon.
“Ang unang problema talaga natin iyang Covid-19. Dahil sa pandemic sarado ang mga sinehan. In fact, isa iyan sa mga unang establishments na ipinasara, at iyan ang isa sa pinakahuling papayagang magbukas. Totoo na may ibang platforms na maaaring paglabasan ng pelikula natin. Ngayon nauuso na iyong mga paid viewing sa internet kagaya niyang Netflix, kumikita rin ang pelikula riyan. Pero iyan ay long term. Una, hindi naman ganoon kalaki ang kita. Ikalawa, hindi mabilis maibayad ang kinikita.
“Kung iisipin mo, ang buhay ng mga pelikula ay sinehan pa rin. Kasi day to day nakikita mo kung magkano ang kinikita ng isang pelikula. Pinakamatagal na rin ang three months, nakukuha na ng producers ang kanilang film share. Ngayon mabilis na rin dahil ang mga pelikula nga natin simultaneous na kung ilabas sa buong Pilipinas, pero kailangan mabuksan muna ang mga sinehan,” sabi nga ni Ate Vi.
Ano ang nakikita niyang future ng industriya?
“Alam mo kung mawawala lang itong pandemic na ito at magiging safe na ang lumabas, I’m sure ang mga unang-unang pelikulang ilalabas sa mga sinehan, kahit na ano pa iyan magiging malalaking box office hits. Sabik ang mga tao eh.
“Pagbabalik sa pelikula ng mga big star, lalong magiging malaking hit ang pelikula. Baka iyong target na P1-B mark sa isang pelikula malampasan na. Totoo na tiyak iyan matapos man ang pandemic masama pa rin ang ekonomiya, pero kung pag-aaralan ninyo, basta masama ang ekonomiya, malakas ang mga sinehan kasi naghahanap ang mga tao ng relief. Ako maganda pa rin ang palagay kong mangyayari sa pelikula, matapos na itong mga problemang ito, at sana iyan namang mga nasa industriya magkasundo-sundo na,” patapos na pahayag ni Ate Vi.
HATAWAN
ni Ed de Leon