IKINANDADO na naman ang Metro Manila at mga karatig lalawigan. Simula nga pala ngayong araw, 4 Agosto 2020.
Hindi naman ikinandado at sa halip inilagay uli sa modified enhanced community quarantine (MECQ) bilang tugon sa panawagan ng mga doktor na isailalim sa mas restriktong quarantine ang National Capital Region (NCR).
Katunayan ang kahilingan ng health workers ay enhanced community qurantine (ECQ) mas restriktong ‘pagkandado’ pero dahil hindi na kayang ‘buhayin’ ng gobyerno ang pamilyang Juan Dela Cruz, minabuti ni Pangulong Duterte na sang-ayunan ang pakiusap ni DOH Sec. Francisco Duque na ilagay na lamang sa MECQ.
Pinakiusapan ng mga doktor ang Palasyo na ilagay sa mas restriktong pagkakandado ang NCR kasama ang mga karatig na lalawigan tulad ng Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite dahil sa mabilis na paglobo ng bilang ng mga infected ng “veerus” o COVID-19.
Bukod dito, pagod na rin ang health workers natin – marami na rin nagkasasakit sa kanila, nahawaan ng virus at nakalulungkot din sabihin na ilan na rin sa kanila ang namatay.
Tama ang desisyon ng Palasyo o ni Pangulong Duterte upang mapigil (kahit na paano) ang paglobo ng bilang ng COVID 19 victims. ‘Ika ng mga eksperto sa Unibersidad ng Pilipinas, sa ginawang pagtugon ng gobyerno sa pakiusap ng mga doktor, malamang na bababa sa 50,000 katao ang bilang ng expected na mahahawaan ng virus ngayong buwan ng Agosto.
Estimate kasi ng mga eksperto, aabot ang bilang ng mga mahahawaan sa 180,000 ngayong Agosto kung magpatuloy ang pinaluwag na quarantine sa Metro Manila, General Community Quarantine (GCQ).
Kahapon, base sa ulat ng DOH (4:00 pm), umabot na sa 106,330 ang COVID 19 infected sa bansa. Sa nasabing bilang, 3,226 ang naidagdag kahapon, 1,257 ang mula sa NCR. Ganoon kabilis ng paglobo ng bilang ng infected sa NCR.
Ngayon, sino ang masasabing may sala sa situwasyon – ang pamahalaan nga ba, ang DOH? Sinisisi ng iba ang DOH, lalo na si Duque dahil kung sana’y alisto siyang umaksiyon noong unang pumutok ang COVID ay hindi na daw sana umabot sa ganitong situwasyon ang bansa.
Ang Vietnam, at ang Taiwan, ay ilan lang sa bansa na pinagbasehan na naging alisto sa kampanya laban sa pagpasok ng COVID sa kanilang bansa. E samantalang ang bansa ay welcome na welcome pa rin sa pagpasok sa bansa ang mga dayuhan lalo ang bansang pinagmulan ng virus.
Maalala pa nga sa isang presscon ni Duque, natuwa pa noong una sa pagsasabing ‘zero’ pa rin ang Pinas. Habang nakaharap sa kamera at nakangiti ay nagpakita pa siya ng zero sign sa pamamagitan ng kanyang mga daliri.
Hayun, dahil dito ay tila naging kampante ang DOH kaya heto ngayon ang resulta – mahigit isang daang libo katao na ang infected.
At ang masaklap, kung hindi pa nagsalita ang mga doktor – health workers natin na ibalik na sa ECQ ang NCR, hindi pa siguro kikilos ang DOH. Kunsabagay, pinabubuksan pa nga ng DOH sa pamamagitan ng IATF ang iba’t ibang negosyo na masyadong sensitibo tulad ng full body massage, tutoring, gyms at iba pa na may full contact kung saan taliwas ito sa pinaiiral na estriktong social/physical distancing.
Sino ba ang mga bumubo ng IATF? Nag-iisip ba sila o masabing may silbi lang sila kaya kung ano-ano ang inaaprobahan.
Ano pa man mga kababayan, nandito na ang kalaban, patuloy na sumasalakay kaya, nararapat natin gawin ang ating responsibilidad. Huwag lang iasa sa pamahalaan ang pakikibaka kay COVID, sumunod tayong lahat sa napakasimpleng pinaiiral na health protocols. Napakasimple nga na lang at ito ay para sa sarili at sa pamilya pagkatapos, ayaw pang sumunod.
Ngayon, sino ang dapat na sisihin sa MECQ part 2?
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan