Thursday , August 14 2025

Pagiging high-profile inmate, isang comorbidity?

ANO ba talaga ang nangyari sa drug convict na si Jaybee Sebastian? Ano ang totoo: Namatay, pinatay o buhay ba siya?

 

Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), namatay si Sebastian sa COVID-19, gayondin ang walo pang kapwa niya high-profile inmates sa National Bilibid Prison.

 

“Well-documented” daw ang nangyari, mula sa pagpositibo sa virus, pag-isolate, hanggang sa cremation, ayon kay BuCor Spokesperson Gabriel Chaclag, kaya imposibleng pineke ang kanilang pagkamatay, tulad ng hinala ng marami.

 

Sino bang hindi magsususpetsa kung halos sunod-sunod na namatay ang siyam na sentensiyado sa malalaking kaso ng droga, at iisa ang itinuturong nagpatumba sa kanila, ang coronavirus?

 

Ang anunsiyo ng pagkamatay ni Sebastian ay may kasamang retrato ng abo raw nito. Pero maging ang kawawang abo ay pinagdudahan. Kinuwestiyon ang kulay, komposisyon, dami, at ang mismong katotohanan kung abo nga ba ito ng tao. Abo nga ba iyon ni Sebastian?

 

Ang unang hinala ng marami, hindi totoong namatay si Sebastian — o kahit ang walo pang high-profile inmates. May suspetsang pinalabas lang daw na patay na sila para mapalaya, salamat sa palusot ng COVID-19.

 

Sa kaso ni Sebastian, hindi siya dumaan sa awtopsiya. Hindi rin binuksan ng mga taga-crematorium ang kanyang body bag, alinsunod sa health protocols sa mga nasawi sa COVID-19.

 

Kung wala nang bakas si Sebastian maliban sa abo niyang nakasilid sa plastic, paano pa mapatutunayang siya nga iyon? Sakali namang nakompirmang siya nga, paano malalaman kung coronavirus nga ang kanyang ikinamatay?

 

Sa exclusive report ng CNN Philippines, sinabi ng iba pang bilanggo at kanilang mga pamilya na totoong pumanaw na raw si Sebastian, pero hindi dahil sa COVID-19. Pinatay daw ito, at itinuro pa si BuCor Director General Gerald Bantag na may pakana ng lahat.

 

*         *         *

 

Naghain na ng magkahiwalay na resolusyon sina Senate President Tito Sotto at Senator Risa Hontiveros para imbestigahan ang pagkamatay sa COVID-19 ng siyam na high-profile inmates sa Bilibid.

 

Dito na inaasahang masasagot ang maraming katanungan at malilinawan ang katotohanan sa misteryong bumabalot kung bakit lubhang ‘nakamamatay’ ang COVID-19 para sa mga high-profile inmates ng Bilibid. Ito ay kahit pa mismong Department of Interior and Local Government (DILG) na ang nagsabi na nasa 82 porsiyento ang recovery rate ng COVID-19 cases sa mga kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at 1 porsiyento lang ang fatality rate sa mga bilanggo.

 

Tila yata ang pagiging high profile inmate ay isang ‘comorbidity’ kaya mas delikado na ‘ikamatay’ nila ang coronavirus.

 

*         *         *

 

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

 

 

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

‘Sandok’ ni Imee hindi lumusot kay Atty. Princess Abante

SIPATni Mat Vicencio KUNG makapanlait itong si Senator Imee Marcos, para bang walang kapintasan. Wagas …

Firing Line Robert Roque

Kawalang hustisya, bumida sa pagkamatay ni Gelo

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. HINDI ito ang inaasahan nating kahahantungan ng pagkatalo sa …

Aksyon Agad Almar Danguilan

MMDA Bayanihan Estero Program, suportado ni PBBM

AKSYON AGADni Almar Danguilan BAHA… baha… baha… nakita naman natin na kahit saang sulok ng …

Firing Line Robert Roque

Tiktok ang bahala

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. NAKIPAGTULUNGAN ang Department of Migrant Workers (DMW) sa TikTok …

Sipat Mat Vicencio

Hoy Bato, hindi mo ka-level si Digong!

SIPATni Mat Vicencio KAHIT saan anggulo tingnan at pagbali-baliktarin man ang sitwasyon, hindi maaaring ikompara …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *