MARAMING frontliners at netizens ang galit ngayon kay dating Quezon City Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista matapos sabihin sa kanyang Facebook post na ang ‘lack of common sense’ ay dahilan para madapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang indibidwal.
Wala pang isang linggo matapos aminin ni QC Mayor Joy Belmonte na nagpositibo siya sa COVID-19, ipinaskil naman ni Bautista sa kanyang Facebook page na may link na https://www.facebook.com/hmb0512/photos/a.1156916387655756/4620603584620335/?type=3&theater ang mensaheng: “THIS IS A PUBLIC SERVICE MESSAGE. If you have loss of sense of smell, or loss of sense of taste, these are the symptoms of COVID-19. Loss of common sense is not a symptom of COVID-19, it is the reason you got the disease.”
Maraming netizens at frontliners ang nagalit sa naturang FB post kaya’t binash ang dating alkalde.
May ilan naman ang nagpahayag ng simpatiya sa mga doktor, nurse, hospital staff at iba pang frontliners na nagsasakripisyo ng kanilang buhay at ng kanilang pamilya, sa ngalan ng public service.
Sa kabila ng pagsasagawa ng lahat ng kinakailangang pag-iingat, ilan sa mga naturang frontliners pa rin ang nahahawa ng sakit mula sa kanilang mga pasyente, dahil lagi silang nagkakaroon ng close contact, sa tuwing gagampanan nila ang kanilang tungkulin.
Isa pa sa netizens ang nagkomento ng ganito, “FYI: Former Yorme Herbert, many of our frontliners have to work longer and exposed themselves in a situation wherein you, yourself don’t want to. Every day for them is a battle to face psychosocial hazards, which are exacerbated during emergencies where demands increase and they have to experience risk of infection. And yet you have the guts to tell to the world what is common sense is all about? Well, for me you doesn’t make sense at all! Shame on you!”
Pahayag ng isa pang netizens: “Frontliner po ako at masakit sa amin sabihan ng ganyan lalo’t ‘di biro ang pagganap sa aming tungkulin para sa kapakanan ng publiko. Not a good joke at lalong not a better post to provide support. It’s a shame.”
Bagamat may pinakamataas na naitalang COVID-19 cases, dahil sa pinakamalaking populasyon nito, ang Quezon City naman ang mayroong pinakamataas na decrease rate ng sakit, base sa datos na nakapaskil sa https://covid19stats.ph.
Mula sa pagiging number 6 noong panahon ng community quarantine, hindi na kasama ang QC ngayon sa Top 10 cities na may pinakamaraming bilang ng COVID-19 cases versus population.
Ang pagkakaloob ng suporta sa frontliners ang isa sa mga dahilan sa pagtatagumpay ng QC sa paglaban kontra sa virus.
Bukod sa kompletong personal protective equipment (PPE), pinagkakalooban rin ng lokal na pamahalaan ang QC frontliners ng financial assistance, housing, free legal assistance at iba pang benepisyo.
Regular rin binibisita ni Mayor Joy ang health facilities upang masigurong estriktong naipatutupad ang health at safety protocols para sa frontliners at naipagkakaloob ang lahat ng pangangailangan nito.
Ayon kay Atty. Orlando Casimiro, na siyang City Attorney, posibleng nahawa ang alkalde ng virus sa isa sa mga ginawa niyang pag-iinspeksiyon sa mga naturang pasilidad.