NAITALA ang walong bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lalawigan ng Pangasinan, isa ang sanggol at dalawa ay mga bata.
Pinaniniwalaang nahawa ang sanggol at dalawang bata sa kanilang 29-anyos ama, ang unang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 sa bayan ng San Nicolas.
Nabatid na umuwi ang ama ng mga bata sa Pangasinan noong 27 Hunyo mula sa lungsod ng Antipolo, lalawigan ng Rizal, at lumabas na positibo sa virus noong 11 Hulyo.
Samantala, nagpakita ng sintomas at nagpositibo rin sa COVID-19 ang 47-anyos amain ng unang pasyente.
Asymptomatic ang sanggol, ang dalawang bata, at kanilang ama na kasalukuyang magkakasamang naka-confine sa Pangasinan Provincial Hospital.
Kabilang sa walong bagong kaso ang isang 35-anyos lalaki mula sa bayan ng San Manuel; isang 41-anyos lalaki mula sa bayan ng Malasiqui, isang 40-anyos at 23-anyos lalaki kapwa mula sa bayan ng Labrador.
Sa pinakahuling tala, 42 ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan mula sa kabuuang 127 kaso, 86 rito ang nakarekober habang siyam ang binawian ng buhay.