SIGE, sabihin na nating nagtagumpay na nga ang grupo ni Congressman Dante Marcoleta na ipasara ang ABS-CBN matapos bumoto ang 70 kongresista sa pagbasura sa hinihinging Congressional franchise ng dambuhalang broadcast network.
Ang mga akusasyon tulad ng citizenship ni Eugenio “Gabby” Lopez, usapin sa tax evasion, labor violation at iba pang kontrobersiya ang tinitingnang dahilan na siyang nagpabagsak sa TV network na ABS-CBN.
Bagamat marami ang nagsasabing nagkaroon ng ‘brasuhan’ sa botohan at hindi naging patas ang mga komiteng duminig sa hinihinging prangkisa ng broadcast company, malinaw na ang ABS-CBN, nitong nakaraang Biyernes, Hulyo 10, ay patay na at tuluyan nang inilibing.
Tinawag pang ‘Magnificent 4’ ang grupo ni Marcoleta na kinabibilangan nina Mike Defensor, Boying Remulla at Pidi Barzaga dahil na rin sa kanilang galing at talino para gisahin sa mga hearing ang mga opisyal ng ABS-CBN.
At talaga namang masasabing magaling ang ginawang paghimay ng ‘Magnificent 4’ lalo na si Marcoleta sa mga kinasasangkutang isyu ng giant network nang sumalang si Lopez at ipamukha na hindi lamang ito Filipino citizen kundi isa rin itong American citizen.
Kung tutuusin, napakagaling nitong si Marcoleta at wala rin naman problema sa pamamaraan ng kanyang pagtatanong at interpelasyon, pero ang nakagugulat ay ang pakialaman pa ang editorial policy ng news and current affairs ng ABS-CBN.
Hanep, muntik tuloy akong mahulog sa kinauupuan ko! Parang editor ang postura ni Marcoleta at walang kagital-gital na pinagalitan niya si Ging Reyes, ang head ng news and current affairs division ng nasabing netwrok.
Pilit na pinagpapaliwanag ni Marcoleta si Ging kung bakit ganoon ang head o ulo ng isang balita. At nakuha pang turuan ng kongresista si Ging na dapat daw ay hindi ganoon ang pagkakasulat ng head, at sinundan pa ito ng pagsasabi kung bakit ‘yung pamimigay ng bigas ng kanilang party-list ay hindi ibinabalita.
Bilib na sana ako kay Marcoleta pero nang umakto itong parang editor ng ABS-CBN, e mukhang sablay at wala na sa hulog. Tahasang masasabing walang pakialam si Marcoleta sa kung paano patakbuhin ang isang newsroom. Ano ba ang alam nitong si Marcoleta sa anggulo ng isang balita?
Sa tingin ko, kung naging reporter lang itong si Marcoleta, tiyak laging scoop sa kanyang beat. Sabi nga, walang nose for news. Parang ‘yung nakaupo lang lagi sa loob ng press office at naghihintay mabigyan ng istorya.
Hay naku, mas mabuti kasing mag-focus na lang si Marcoleta sa trabaho bilang isang legislator at ‘wag nang ambisyoning maging editor dahil kahiya-hiya lang siya. Sayang, maganda na sana ang performance ni Marcoleta nitong nagdaang hearing pero nasira dahil sa pag-aktong editor.
Para kay Marcoleta… sir, hindi po kayo editor!
SIPAT
ni Mat Vicencio