Wednesday , January 28 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph

Drug test sa mga kawani ng EAMC, dapat nga ba?  

FRONTLINERS nahuling nagbebenta at gumagamit ng shabu sa loob ng East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City? Totoo ba ito?

 

Nakalulungkot ngang malaman ito e, dahil sa pagkakaalam ng marami ay malinis ang pagpapatakbo ng pamunuan ng ospital lalo sa pag-asikaso sa mga pasyente. Pag-asikaso sa pasyente, maayos nga ba? Kaya naman pala nagkarooon ng hostage taking kamakailan sa ospital. He he he…

 

Hindi naman lingid sa ating kaalaman na isang doktor ang ini-hostage ng pasyente sa emergency room dahil apat na oras siya sa pagamutan pero, hindi  inaasikaso.

 

Iyan ba ang sinasabing matinong pamalakad ng ospital? Palusot ng EAMC, marami kasing inaasikaso hinggil sa COVID-19 cases kaya, hindi agad naasikaso ang hostage taker.

 

Ang sabihin ninyo, wala pa ang problema sa COVID-19, ganyan na ang serbisyo ng ospital.

 

Anyway, balik tayo sa nangyaring bentahan ng shabu. Paano ito nakalusot sa pamunuan ng ospital. Akalain ninyo, sinasabing estrikto ang pagamutan pero…ano!? Hanggang salita lang yata ang lahat.

 

Mismong sa ospital ang bentahan ng shabu. Natuklasan ito ng Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station 10.

 

Nabunyag ang bentahan ng shabu sa compound ng ospital makaraang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng QCPD PS 10 Station Drug Enforcement Unit (SDEU).

 

Ang mga itinuturing pa naman o isinasama sa grupo ng frontliners ang mga nadakip. Hindi lang isa kung hindi lima pa sila.

 

Bagamat, klarohin natin ang lahat. Hindi naman doktor, nurse, med tech o opisyal ng ospital ang dinakip kung hindi, ang lima ay pawang nurse attendant, janitor, at morgue attendant.

 

Klinaro natin ito para naman sa ikaliliwanag ng marami sa kung sino-sino ang mga naaresto sa pagbebenta ng shabu at aktuwal na gumagamit ng droga.

 

Ano pa man, hindi isyu rito kung anong klaseng frontliner ang mga nadakip makaraang makompiskahan ng 5 gramong shabu na nagkakahalaga ng P34,000, kung hindi paano nakalusot sa pamunuan ng ospital.

 

Nakalusot sa kanila ang kalokohan ng mga ‘alagad’ nila? Teka, ano bang ginagawa ng mga guwardiya ng EAMC? Anong klaseng pagbabantay ang kanilang ginagawa? Hindi naman siguro nila pinoprotektahan ang mga tulak at adik? Hindi naman siguro at sa halip, nalusutan lang sila.

 

Ang ginagawang lungga pala ng mga naaresto ay ginawang quarters para sa mga attendant staff na matatagpuan sa basement ng ospital, “Basement Tahan-Tahanan. Nagsimulang gawing quarters ang lugar nitong nag-umpisa ang pandemic. Hindi na kasi pinauuwi ang karamihan sa attendant.

 

Si Dr. Alfonso Nuñez, OIC-Medical Center Chief II,    ang tumatayong bossing ngayon sa EAMC. Batid natin na may pinaiiral na kalakaran sa pagamutan ang doktor, pero sa kabila nito ay nakalusot ang kalokohan ng limang kawani. Ang tanong ngayon dito ay sino kaya ang dapat managot sa pangyayari – ang nalusutan ang pamunuan ng ospital? Dapat sigurong ipag-utos ni Nuñez ang isang malalimang imbestigasyon hinggil sa tulakan ng shabu sa ospital. Hindi naman natin sinasabing may kasabwat ang lima sa loob kung hindi, dapat siguro may masibak “command responsibility.”

 

Ngayon, ang tanong pa natin dito ay wala kayang  ibang suking kawani ng ospital ang mga naarestong tulak at adik? Dapat siguro hindi lang COVID-19 test ang gawin sa mga kawani ng ospital kung hindi, isailalim din sa drug test ang mga kahinahinalang kawani. Dapat lang!

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Almar Danguilan

Check Also

PADAYON logo ni Teddy Brul

Magaan ang bisikleta, mabigat ang katotohanan
ALUMINYO, MANGGAGAWA, AT PANAWAGAN SA INDUSTRIYALISASYON

PADAYONni Teddy Brul MAHALAGANG deposito ng Karst bauxite sa Paranas, Samar, na naglalaman ng aluminyo …

Aksyon Agad Almar Danguilan

 “Sorsogon gold standard”pamarisan sa paggawa ng mga kalsada

AKSYON AGADni Almar Danguilan MUKHANG unti-unti nang tinatalikuran ng Department of Public Works and Highways …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Impeachment o sawsaw isyu lang?

AKSYON AGADni Almar Danguilan HINDI naman tayo nanghuhusga pero ano itong nangyaring pag-iingay sa Kamara …

Aksyon Agad Almar Danguilan

‘Di dapat mag-imbento ng kuwento si Bernardo

AKSYON AGADni Almar Danguilan MARIING itinanggi ni Cherry Mobile CEO Maynard Ngu ang mga paratang …

Firing Line Robert Roque

State witness daw — e kalokohan

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. SUSUBUKAN kong kahit sandali lang na isantabi ang pagiging …