NAGKAKAMALI ang mga sunod-sunoran at nagpapagamit sa dambuhalang korporasyong ABS-CBN na bibigay ang tinaguriang ‘Magnificent 4’ sa katauhan nina Boying Remulla, Mike Defensor, Pidi Barzaga at Dante Marcoleta sa ginagawang pressure sa kanilang hanay.
Hindi inakala ng oligarkong pamilyang Lopez na maglalakas-loob na tumayo at banggain sila ng ‘Magnificent 4’ at ilantad ang mga kontrobersiyang kanilang kinakaharap sa patuloy na pagdinig ng Kamara para sa hinihinging Congressional franchise ng ABS-CBN.
Dahil sa matapang na paninindigan ng ‘Magnificent 4’, nalantad sa mga pagdinig ang pagsasamantala ng ABS-CBN sa kanilang mga empleyado kabilang na ang kaso sa tax evasion at ang citizenship ni Eugenio “Gabby” Lopez III.
Sinopla sila ng ‘Magnificent 4’ at ngayon ay nagkukumahog ang mga kasapakat ng ABS-CBN na sirain ang kredibilidad nina Remulla, Defensor, Barzaga at Marcoleta, at pilit na binabaluktot ang usapin sa violation ng dambuhalang broadcasting company.
Nakasusuka dahil mismong mga leftist group ay nagpapaggamit sa pamilyang Lopez. Nagagawa pa ng mga ito na maglunsad ng kilos-protesta para ipagtanggol ang ABS-CBN sa halip na kondenahin ang usapin sa kahirapan dulot ng kapalpakan sa pagtugon ng administrasyon ni Digong sa COVID-19.
Pero walang saysay ang ginagawang pagbatikos ng mga kampon ng oligarkong Lopez laban sa ‘Magnificent 4’ dahil malinaw na meron paglabag na ginawa ang ABS-CBN. At sa mga susunod na araw, magdedesisyon ang House Committee on Good Government and Public Accountability at Legislative Franchises at ipakikita nito na hindi na kailangang bigyan pa ng prangkisa ang ABS-CBN.
Obligadong hindi pagkalooban ng prangkisa ang ABS-CBN dahil bukod sa paglabag nito sa batas, hindi rin papayag ang mga kongresistang kontra sa pagbibigay ng prangkisa na tuluyang makapag-broadcast ito at magamit para batikusin at sirain sila lalo na sa panahon ng eleksiyon.
Kaya nga, hindi dapat magpatinag ang ‘Magnificent 4’ at kakampi nilang kongresista, at panindigan ang hindi pagbibigay ng prangkisa sa ABS CBN. Walang atrasan na ito dahil dito nakasalalay ang kanilang political survival.
Hindi rin masasabing pinepersonal ng ‘Magnificent 4’ ang oligarkong si Lopez dahil sa inamin mismo nito na meron siyang dual citizenship na malinaw naman na ipinagbabawal sa ating Kontitusyon na makapag-ari ito ng isang kompanya tulad ng ABS-CBN.
Sabi nga ni Marcoleta… “The constitution provides that ownership of companies here is only limited to Filipinos. It could not have been a problem if Mr. Lopez is only a Filipino, but he is also an American. We will have a lot of problems processing that issue.”
“We should not forget that the issue here is the Constitution. There is no argument that Mr. Lopez is both a US citizen and a Filipino. The problem lies only in the fact that ABS-CBN should not be managed by an American.”
SIPAT
ni Mat Vicencio