HINDI nga maikakaila na ang pagkakatatag ng panibagong grupong League of Filipino Artists, o Aktor ay in conflict sa KAPPT, o ang Katipunan ng mga Artista sa Pelikulang Pilipino at Telebisyon na siyang guild sa ilalim naman ng FAP. Siguro nga ang conflict ay dahil may mga artistang nagsasabing hindi na maipaglaban ng KAPPT ang karapatan ng mga artista. Marami rin ang kumukuwestiyon nang si Imelda Papin na mas kilala bilang isang singer ang siyang naging presidente ng KAPPT.
Pero ang problema naman ng guild, hindi iyon sinusuportahan ng mga artista mismo. Iyong mga sikat, ni hindi halos uma-attend kung may meeting ang kanilang guild. Kaya ang KAPPT ay napunta sa mga maliliit na artista lamang. Iyong malalaking artista, iyan ngayon ang nagbuo ng grupong Aktor.
Ok lang naman siguro kung dalawa silang guild. Ganyan din ang nangyari sa mga director nang itatag ang DGPI, at naiwan naman ang iba sa naunang KDPP.
Ang puna lang ng iba, itong bagong grupong Aktor ay mukhang may “political nature” rin naman. Hindi lang kasi ang problema ng mga artistang Filipino, o ng industriya ng pelikula ang kanilang tinatalakay. Pati na ang kanilang mariing pagtutol sa Anti-Torrorist Law. Pero nagsisimula pa lang sila, para na silang dinagukan dahil pinirmahan ni Presidente Digong para maging batas ang nilalabanan nilang Anti-Terrorist Bill pa lamang noon. May mga nagsasabing maganda iyang samahang Aktor, pero sana unahin muna nilang harapin ang mga problema ng mga artista sa industriya bago ang ibang usaping political.
Baka lalong hindi nila makuha ang mga bagay na kanilang ipinaglalaban kung wala silang makukuhang ayuda mula sa gobyerno, kaya mas dapat sabi nga, na iwasan muna nila ang mga usaping political, na mukhang mahirap ngang gawin dahil karamihan naman sa kanila ay mga hayag na kampi sa oposisyon.
HATAWAN
ni Ed de Leon