“NAKALUHOD na, tinadyakan pa,” ito ang mga nababasa naming komento ng mga sumubaybay sa ginanap na Franchise hearing ng ABS-CBN sa Kongreso nitong mga nakaraang araw.
Tinutukan namin ang hearing nitong Martes na tinalakay ang tungkol sa regularization ng mga empleado, mga isinampang kaso sa labor, at sa isyung hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Bilang ordinaryong manonood at hindi miyembro ng media ay mapapangiwi ka sa mga nangyari sa hearing dahil maayos na nagpaliwanag ang grupo ng ABS-CBN sa pangunguna ng CEO at Presidente nilang si Carlo L. Katigbak na pinutol sila ng mga kongresista na nagtatanong kaya maraming nag-post na, ‘walang paggalang.’
Sa mga ordinaryong manonood, hati ang iniisip nila, maraming paglabag ang nagawa ng ABS-CBN kaya ginigipit nang husto at ‘yung iba naman ay sana bigyan na ng prangkisa para hindi mawalan ng trabaho ang maraming empleado ng Lopez Group of Companies dahil sa panahon ng pandemic ay mahirap mawalan ng trabaho at mas lalong lalala ang problema ng gobyerno kapag dumami ang unemployed na hindi naman din kayang sustentuhan ito.
Anyway, bukod sa mga tagasuybaybay ng mga programa ng ABS-CBN na desmayado, naglabas din ng saloobin ang mga artista ng Kapamilya Network.
Ang ilan sa kanila ay sina Regine Velasquez, Zsa Zsa Padilla, Karla Estrada, Liza Soberano at marami pang iba.
Say ni Karla, sana maisip ng mga taga-NTC at Kongresista ang kabuhayan ng mga empleado na mawawalan ng trabaho.
“Wala na kapwa kapwa tao? Bahala nalang sila sa buhay nila? Hindi na iniisip ang mga taong mawawalan ng trabaho na pwedeng magutom ang mga pamilya??
“Baket ngayon pa lahat kailangang gawin ito sa gitna ng crisis. KAPWA PILIPINO PINAHIHIRAPAN NINYO.”
Idinaan naman ni Regine sa pag-tweet ang saloobin niya, “Talaga bang bulag pipi at bingi na tayo? Anong nangyayari Pilipinas kong mahal???”
Si Zsa Zsa naman ay excited sa pagbabalik taping nila ng Love Thy Woman nitong Linggo na naka-lock in sila sa isang hotel at nabigla sa balitang bagong cease at desist order ng NTC.
“Hindi ko na talaga mapigilang umiyak. Pasensya na. Galing ako sa first taping day ko after lockdown.
“Napakaraming pagbabago at lahat ginagawa namin para maihatid sa inyo ang ‘Love Thy Woman.’
“Pero itong balitang ito napakasakit. Nakapanlulumo.
“Lord Jesus, bigyan nyo po kami ng lakas para ipagpatuloy ang aming trabaho. Gabayan n’yo po sana lahat ng kasamahan ko sa Kapamilya Channel. Kayo na po ang bahala sa amin. (praying hands emoji).”
At post ni Liza sa Twitter, “No words for these heartless people #ABSCBNFranchise.
“How come there’s so much time being spent on bringing ABS-CBN down but little to no time figuring out ways to help our kababayans who are struggling during this pandemic, kasi naka GCQ parin tayo?”
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan