SA WAKAS ay mukhang magtutulung-tulong ang mga ahensiya ng gobyerno at mga opisyal ni President Duterte para makakuha ng kompensasyon ang may-ari at mga crew ng Gem-Ver, ang sasakyang dagat na binangga at pinalubog ng barko ng China malapit sa Recto Bank mahigit isang taon na ang nakalilipas.
Matapos palubugin ang Gem-Ver noong 2019, akalain ninyong nagawa pang abandonahin ng mga Tsino ang Filipino crew ng barko para malunod at iniwang kakawag-kawag sa dagat para makasagap ng hangin.
Mantakin ninyo na kung hindi pa dumaan ang barko ng Vietnam para tumulong ay walang magliligtas sa Pinoy crew.
Ito ay klasikong pagpapakita ng kawalan ng awa sa mga mangingisdang Filipino. Pang-ilang ulit na bang nagpakita ang China ng kalupitan sa ating mga mamamayan?
Kung tutuusin, hindi na ito bago at lalong hindi na kagulat-gulat. Sa West Philippine Sea nga, kung ilang ulit nang hinarang at pinigilan ang ating kababayan sa pangingisda.
Inamin naman ng mga Tsinong crew ang kanilang pagkakamali sa pag-iwan sa mga Pinoy at humingi ng paumanhin. Pero paano kung walang nagligtas sa mga Filipino. Ganoon na lang iyon?
Babanggitin daw ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr., sa gobyerno ng China ang isyu ng danyos na hinihingi ng may-ari at crew ng Gem-Ver sa naganap.
Akalain ninyong wala pang natatanggap na pera ang may-ari ng Gem-Ver samantala P2.1 milyon na ang nagagasta nila sa pagpapagawa ng nasirang barko?
Pero baka naman kaya humingi ng paumanhin ang China ay nagpapabango lang sila sa publiko para gumanda ang imahen nila dahil ito rin ang nakatakdang araw ng pag-alis ni President Duterte patungo sa China para makipag-usap kay President Xi Jinping.
Sa ibang bansa, ang pagpapalubog ng barko ay sapat na dahilan para magsimula ang isang malaking gulo. Pero rito sa atin, hanggang ngayon ay hindi tayo makapalag at walang magawa sa kahit anong kalokohan na ginagawa sa atin ng China. Hindi man lang natin maireklamo.
Pati nga ang huling mga isda ay kinukuha na lang ng Chinese Coast Guard sa oras na gustuhin nila. Walang magawa rito ang mga kababayan natin. Likas yatang gahaman at walang pakialam sa kapakanan ng kanilang kapwa.
Hindi nga nila pinaghirapan ang panghuhuli sa mga isda na kanilang kinakamkam.
Iyan ay ilan lamang sa kadahilanan kung bakit basang-basa ang papel ng China sa mga Filipino. Hindi natin masisi ang karamihan sa ating mga kababayan na maniwala na ang China ay gustong angkinin ang ano mang bagay na hindi naman nila pinaghirapan o pagmamay-ari.
Marami rin Filipino ang naniniwala na ang lupa, isla o kung ano pa man na nagustuhan ay aangkinin ng China.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.