DUMATING na nga ang kinatatakutan ng mga nagtatrabaho sa comedy clubs o sing-along bars. Ang tuluyang pagsasara ng dalawang bars ng komedyanteng si Allan K. (Quilantang), ang KLOWNZ at ZIRKOH.
At ang isang lubhang nakadama ng sobrang kalungkutan ay ang isa sa maituturing nang naging matagal ang pag-alagwa rito, si Gladys Guevarra.
“Saksi ang Klownz Comedy Bar Quezon Avenue at Zirkoh sa maraming pangyayari sa buhay ng isang Gladys Guevarra. Masuwerte pa rin akong hanggang sa dulo eh pinagtiwalaan pa rin ako ni Allan K Quilantang sa maliit na talentong mayroon ako. Hindi biro ang 18 years.
“Maraming halakhak at luha ang nangyari. Maraming mga nakilalang kaibigan, naging close, nawala. ‘Yung iba bumalik. Maraming masasayang ganap, magsimula man ng operation hanggang after ng closing. May mga kaibigang nagpaalam at namaalam. May mga samaan ng loob, pagkakaibigang pinatibay din naman.
“Dumating na lovelife, nag stay, nawala. Bonding, tsismisan. Maka ilang beses nagpalit ng musikero, nagbago ng image, pananamit, make-up, iniinom hanggang outlook sa buhay. May mga riyan lang nakilala, pero hanggang ngayon kaibigan pa. May mga heckler, bashers, mga lasing na papansin, nagtitinda ng sampaguita, magnanakaw, mandarambong, nagtitinda ng mani, balot, chicharon, fishball sa back stage. Mga asong kalye na ang pangalan ay puro Hollywood artists.
“May nagtitinda ng ulam ‘pag friday. May vendor na nauutangan ng kape. Mga P.A. na maldita pa sa amo, may P.A. na masipag, may P.A. na tomboy, may P.A. na maganda pa sa amo, may P.A. na epal, may P.A. na ipaglalaban ka ng patayan. May hosts waiter na masisipag, ‘yung isa parang nabakla na kase saulo na mga spiel. May napupulutan ng ‘di alam, pero may napupulutan naman ng katuwaan lang.
“May mga araw din na lahat may hanash, pero siyempre sinasarili na lang. Lahat na. Halo halo na riyan. Isipin n’yo na lahat, nagap na riyan. Utang, ismiran, plastikan. Tawanan, mahalan, awayan, tarayan, parinigan, buweltahan. Sa isang bahay, hindi naman mawawala ‘yan.
“Pero maka ilang taon din akong nag Pasko na wala ang sarili kong pamilya at itong pamilyang ito ang kasama ko.
“Maraming salamat sa inyong lahat. Alam kong hindi naman lahat gusto ako, pero ‘di rin naman lahat ayaw sa kin. Ganoon lang ‘yun, balanse ‘ika nga. Dahil kahit ako, may mga gusto rin naman ako at may ayaw. But again, thank you sa inyong lahat for all those 18 years.
“From Kitchen, to Security Guards, to Bouncers, to Waiters, Bartenders, Banyo girls, Massage boys, Techs/Dj, Cashiers. Sa mga Managers Dax Chua Bob Alejandria Paul Quilantang Marlon Limpin. Sa mga GROs Nhoi Tuvillara Taleon Armani Choi Arevalo Octaviano . Sa mga Host at ka-primetime ko. Maraming Salamat. Maraming maraming maraming Salamat Boss Allan K Thank You Mamalits Lito Mamalits Alejandria . . .
“Thank you sa 18 years na makulay at puno ng buhay. Sana hindi rito matapos lang ito, sana ay manatili ang pagkakaibigang nabuo nating lahat d’yan. pero gayunman nga, bago pa ang pagpapaalam na ito, sinimulan na nating lumaban, dahil nga sa pandemiya. Sabi nga nating lahat, tuloy ang pakikipaglaban natin sa buhay! Laban pa mga kapatid. Walang titigil. God be with all of us 🏻 Stay Healthy everyone. Fight! 🏻”
At inisa-isa nito ang kanyang mga pasasalamatan. Na hindi niya makakalimutan sa mga taong ‘yun na sama-sama silang nagpasaya ng mga tao.
“Ate Gay New Willy Jones Arnell Tamayo II Alvaro Danao Arayata Joel Olivera Osang Soliven II Betty Dion Rheena Desales Marya Sunga Dax Martin II Regina Otic George Tampus Yvonna Yu-an (Bouncer Diva) Gie Salonga Norman Boobay Balbuena Jane Wonderland Franco Gray Nerona Michelle O’Bombshell Kim Idol Aj Tamiza Richard Vargas Yuzon (Le Chazz Nightingale) Onse Tolentino Raven Ikeda ( 레이벤) Eva Reinoso Romel Chika Villamor Crissy Marie Rendon Vlad Mathew Ty Corcuera EJ Salamante.”
Nagdarasal pa rin sila na sana eh, pansamantala lang ang pagsasarang ito. Na matapos o malampasan lang ang pandemya ay muli itong magpapasaya sa mga tao.
Paano nga ba?
HARD TALK!
ni Pilar Mateo