GUMAWA ng kasaysayan ang multi-awarded actor na si Allen Dizon nang manalong double Best Actor at tanghaling PinakaPASADOng Aktor para sa Mindanao at Alpha, The Right To Kill sa 22nd Gawad Pasado 2020.
Ayon sa PASADO (Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro): Sa taong ito lalong naging mapanuri ang mga guro sa Kategoryang PinakaPASADOng Aktor. Ang bawat aktor ay may kanya-kanyang kalakasan sa pagganap. Patunay nito ang pagpasa nila sa mapanuring kaisipan ng mga guro. Binigyang halaga ng PASADO ang tindi ng kanilang pagbuhay sa kanilang karakter at haplos ng damdamin na mga salita at kilos.
Tatlong aktor ang pumasa sa mga guro subalit sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng GAWAD PASADO may isang aktor ang gumawa ng kakaibang kasaysayan sa kategoryang PinakaPASADOng Aktor dahil sa magkaibang galaw niya sa dalawang pelikula na kapwa pumasa sa mapanuring rubrik ng mga guro. Labanan ito ng galing ng kanyang kapwa sarili, iyan si Allen Dizon!
Mas lalong masidhi ang kanyang pagganap na masusukat lamang sa lalim ng tema ng mga pelikula at sa kanyang mga parangal sa loob at labas ng bansa. Maaaring isa siya sa iilang katangi-tanging aktor ng kasalukuyang panahon na hindi lamang nangangapital sa kisig at rahuyo, bagkus sa husay at disiplina sa kanyang sining. Karapat-dapat siyang maihanay sa mga aktor ng pinilakang tabing sa Filipinas na nakapagbigay ng karangalan hindi lamang sa sarili kundi sa bansa at sa industriya ng pelikula.
Sa pelikulang Mindanao ay ginampanan ni Allen ang papel ng sundalong nakikipaglaban para sa bayan habang iginugupo ng sakit na kanser ang kanyang anak. Sa Alpha, The Right to Kill ay isa siyang corrupt ay imoral na pulis na ginagamit ng may mataas na posisyon para sa illegal na pagpapatakbo sa droga.
Sa kasaysayan ng Gawad Pasado ay naka-anim na panalo si Allen. Kabilang dito ang Lauriana ni Mel Chionglo 2014, Magkakabaung ni Jason Paul Laxamana 2015, Iadya Mo Kami ni Mel Chionglo 2017, Bomba ni Ralston Jover 2019, Mindanao at Alpha, The Right To Kill na parehong obra ni Direk Brillante Mendoza 2020.
Next year ay inaasahan na igagawad kay Allen ang Gawad Pasado Dambana Ng Kagalingan bilang PinakaPASADONG Aktor (Best Actor Hall of Fame).
Congrats ulit Allen at sa manager niyang si Dennis Evangelista!
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio