“Papa, ang iyong alaala ang aking gabay at inspirasyon. Maraming salamat sa iyong pagiging huwarang ama. Lagi kang nasa puso ko. Happy Father’s Day!”
Ito ang mga katagang binitiwan kahapon ni Senator Grace Poe, sa pagdiriwang ng Father’s Day bilang pag-alala sa kanyang namayapang ama na si Fernando Poe, Jr., na kilala sa taguring Da King.
Hindi malilimot ni Grace ang mga iniwang alaala ng kanyang amang si FPJ. Hindi maikakaila ang pagmamahal na ibinigay ni FPJ ay nakaukit pa rin sa isipan ni Grace, at dala-dala niya ito sa kanyang mga pagsubok at laban na sinusuong sa buhay.
Nakatatak sa isipan ni Grace ang mga iniwang pangaral ng kanyang ama. Sa pakikibaka sa buhay lalo na sa pakikipagkapwa – pagtulong, pag-unawa, simpleng pamumuhay at pagmamahal sa bawat Filipino.
Naging huwaran ni Grace ang imahen ng kanyang ama tulad ng pagmamahal sa pamilya at higit sa lahat ang pagiging matulungin sa mahihirap na mga kababayan. Ito ang lakas ni Grace na nakasalig sa paninindigan ni FPJ.
At sa kabila ng panghahamak kay Grace bilang ampon, at pangungutya na anak sa labas kay dating Pangulong Ferdinand Marcos, higit na ipinakita niya ang pagmamahal kay FPJ na sa kanya ay nagpalaki, nagmahal at umaruga.
Sabi nga ni Grace kay FPJ… ”Mapalad akong tawagin kang aking ama!”
At ang mga natutuhan ni Grace kay FPJ ay nagpapatuloy. Sa panahon na walang tigil ang pananalasa ng COVID-19, walang inaksayang panahon si Grace sa pagtulong sa kanyang mga kababayan lalo na ang mga mahihirap na kapos palad at higit na nangangailangan.
Sa pamamagitan ng Ang Panday Bayanihan, isinulong ni Grace ang suporta sa taongbayan sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga PPE, medical supplies at iba pang mga pangangailangan sa panahong patuloy ang COVID-19.
Sa Senado, simula pa lamang ng pagputok ng COVID-19, isinulong na ni Grace ang panukalang ilaan na lamang ang P17 bilyong pondo ng Department of Transportation sa mga public transport worker. Nasilip ni Grace na ang nasabing bilyong pondo ng DOTr ay nakatengga lamang at hindi nagagamit para sa kanilang mga programa at proyekto.
Pati ang Meralco ay kinalampag din ng senadora at sinabihan ang pamunuan nito na hindi dapat maningil kung hindi maayos o tama ang billing na ibinibigay sa mga consumers. Nagbanta rin si Grace sa Meralco na hindi kailangang mamutol ng koryente sa kanilang mga customer sa gitna ng pandemya.
Maraming iniwang alaala si FPJ sa taongbayan lalo sa kanyang mga tagahanga at supporters. At sa kabila ng mahirap na pinagdaraanan ng mamamayang Filipino, tangan ni Grace at hindi maaalis ang iniwang salita ng kanyang amang si FPJ na hindi pa tapos ang laban.
SIPAT
ni Mat Vicencio