“MAHIRAP talagang maging Mayor sa ganitong sitwasyon (kasagsagan ng Covid-19 pandemic), mahirap talagang nasa gobyerno ka. At least noong papuntang gitna na nalagyan na nila ng tamang tono kahit paano ‘yung kanilang service,” ito ang pahayag ni Quezon City ex Mayor Herbert Bautista nang makatsikahan siya sa Tawa-Tawa Together digicon gamit ang Zoom apps nang hingan siya ng komento tungkol sa mabagal na pagbibigay ng ayuda.
Masyadong malawak ang Quezon City kaya hindi ganoon kadali at sa simula ng lockdown ay talagang nalungkot siya dahil talagang mabagal ang mga ayuda base na rin sa mga napapanood niya sa balita, nababasa sa social media, at napakikinggan sa radyo.
“Maraming naghahanap ng ayuda tapos very limited ang resources ng gobyerno. Kaya naisip itong ‘Tawa-Tawa Together’ para ‘pag napanood ito, kahit paano makalimutan ‘yung nangyayari at tumawa na lang sila (publiko) sa mga pangyayari o kaganapang nangyayari sa buhay nila,” paliwanag ni HB.
Natanong namin si Mayor Herbert kung papayagan niya ang anak na si Harvey na pumasok ngayong Agosto sa paaralan na nasa Grade 12 na.
“Ano kasi si Harvey, parang online/home schooling sila, so I think okay naman siya kasi ‘yung tatlong anak ko graduate naman na sila ng college. Kaya safe naman si Harvey,” say ng aktor.
Samantala, habang tinitipa namin ang balitang ito ay tinext namin si Mayor Bistek para hingan ng komento tungkol sa hindi na muling pag-ere ng Make it with You nina Liza Soberano at Enrique Gil.
Nabanggit kasi ng aktres na nadesisyonan nilang buong cast and crew na hindi na ituloy ang journey nina Gabo at Billie dahil na rin sa Covid-19 dahil mahina ang immune system ng dalaga.
Pero hindi sumagot si Mayor HB tungkol dito.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan