MALING-MALI ang ginawa ng grupong makakaliwa sa pakikipag-alyansa nito sa ABS-CBN, at dapat na maharap sa disciplinary action ang handler o political officer na humahawak ng “UG” group ng dambuhalang TV network.
Kung tututusin, sa halip na magamit ng kaliwa ang ABS-CBN, ang leftist group pa ngayon ang nagagamit sa propaganda ng maimpluwensiyang Lopez family na kilala bilang pangunahing oligarko sa Filipinas.
Mahabaging Lenin, kaylan pa naging tama ang pakikipag-alyansa ng kaliwa sa mga oligarko?!
Sa usapin ng propaganda, gamit na gamit ang mga ‘kaliwa’ ng ABC-CBN. Sa mga rally, discussion group, pahayagan, radio at lalo na social media, talagang pinatatampok ng mga legal front organization at kaliwang indibiduwal ang kanilang pagsuporta sa ABS-CBN.
Ito na naman kasi ang sinasabing bulag na pagsunod ng mga kasapi ng grupong makakaliwa. Nawala na yata ang kritikal na pag-iisip ng mga kabataan ngayon at sunod-sunuran na lang sa kung ano ang sasabihin ng kanilang lider.
Naisip na ba ng mga leftist organizer kung ilang katao lang ang kanilang mare-recruit sa pagsuporta nila sa ABS-CBN? Dapat na alalahaning ang karamihan sa mga nagtatrabaho sa nasabing dambuhalang TV network, kung hindi nasa middle class, ay maituturing na nakaririwasa sa kanilang buhay.
Sa halip na mag-aksaya ng panahon sa ABS-CBN, bakit hindi itutok ang organizing work ng makakaliwang grupo sa mga komunidad na mahihirap na walang makain at walang trabaho dahil sa pananalasa ang COVID 19?
Bakit hindi paigtingin ng mga legal front ng Communist Party of the Philippines ang propaganda laban sa gobyernong Duterte ang bilang ng walang trabaho na umaabot na ngayon sa 7.3 milyong Filipino?
Ang mahirap kasi, kulang ngayon sa kaalaman at paggagap ng tunay na sitwasyon ng lipunan ang mga nasa UG movement at walang ginawa kundi ang mag-analisa nang wala sa reyalidad at mag-isip ng mga mababaw na propaganda.
Kaya nga, dapat lang na mabahala ang mga legal front ng CPP dahil kapag umigting ang mass movement at magsunod-sunod ang demonstrasyon at rally laban kay Digong at magtagumpay, baka ang makinabang lang nito ay ang mayayaman at middle class. Maiiwan na naman ang mga alagad ni Joma Sison!
Itigil na ang pagsuporta sa pamilyang Lopez dahil taliwas ito sa linyang ipinaglalaban ng kilusan. Maling taktika ang ginagawa ng liderato ng CPP na suporthahn ang ABS-CBN na maituturing na walang malasakit sa mga empleyado.
SIPAT
ni Mat Vicencio