MAAANTALA ang pagsulong ng edukasyon, tulong pangkalusugan, at paglikha ng negosyo at trabaho sa panahon ng COVID-19 kung bubuwisan ng gobyerno ang lahat ng gamit at serbisyo sa tinatawag na digital economy o kalakalang online sa bansa, ayon kay Senador Imee Marcos.
Binanggit ng senadora ang dalawang panukalang buwis, kabilang ang 10% tax sa lahat ng imported na gamit na isinusulong ng Department of Trade and Industry (DTI) at ang tax sa mga negosyo at serbisyong digital na isinusulong naman sa Kongreso.
Sinabi ni Marcos, chair ng Senate committee on economic affairs, ang paglikom ng pondo laban sa COVID-19 gamit ang pagbubuwis ay isang ‘punyal na may dobleng patalim.’
“Hindi yata tamang magpataw ng mga bagong buwis sa panahon ng krisis habang maraming naghahanap ng tulong, diskuwento, at palugit sa utang dahil nga sa nabawasang kita o nawalang trabaho,” ani Marcos.
“Ipapasa lang ng mga negosyante ang halaga ng tax sa mga mamimili na karamihan ay mahirap o middle-class,” dagdag ni Marcos.
Ang mga digital services o online na serbisyo sa pagkonsulta sa doktor, sa edukasyon, at ang e-commerce o bentahan sa internet ay nagiging pangkaraniwan na ang mga digital na produktong imported gaya ng cellphone at laptop ay hindi na itinuturing na luho kundi pangangailangan.
“Hayaan muna ang mga Amazon at Lazada na ‘yan. Atupagin muna ang pagsuporta sa mga umuusbong na negosyo sa internet na sinimulan ng ating mga madiskarteng kabataan, tulad ng mga online sari-sari stores, grocery deliveries at mga home-based na paggawa ng face masks at ibang produktong pangkalusugan sa ‘BUYanihan’ program ng Ilocos,” ayon kay Marcos.
Binanggit ni Marcos na ang tinatawag na ‘gig economy’ na darami ang trabahong “work-from-home” at sariling sikap, ay lumilitaw na bagong paraan sa pagtakbo ng mga negosyo sa buong mundo.
“Ang mas malawak na paggamit ng mga produkto at serbisyong digital ay maaantala lamang ng mga panukalang buwis. Dapat hayaan muna tayong masanay at tuluyang makilahok sa mga bagong paraan ng pagnenegosyo at paggawa ng trabaho,” sabi ni Marcos.
“Dapat siguraduhing kasama ang mga MSMEs (micro, small and medium enterprises), aktuwal man o digital, sa paglaan ng limitadong pondo ng gobyerno mula sa kasalukuyang mga buwis at pautang,” dagdag ni Marcos. (CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)