DALAWA sa 100 katao na umuwi sa lalawigan ng Leyte sa pamamagitan ng programang Balik Probinsiya, Bagong Pag-Asa (BP2) ang nagpositibo sa coronavirus (COVID-19).
Ayon sa tanggapan ng Department of Health (DOH) sa Eastern Visayas sa isang press conference kahapon, Huwebes, 28 Mayo, ang mga nagpositibo ay isang 26-anyos lalaki mula sa bayan ng Tanauan, at isang 28-anyos na lalaki mula sa lungsod ng Baybay.
Sinabi ni Dr. Minerva Molon, DOH regional director, walang ipinakitang sintomas ang dalawang lalaki at sumasailalim na ngayon sa quarantine.
Dagdag ni Molon, hindi niya mairerekomenda ang suspensiyon ng Balik Probinsiya dahil programa ito ng pambansang pamahalaan.
Samantala, titingnan ng DOH regional office kung may lapses ang implementasyon ng programa upang masegurong ang mga uuwi ng probinsiya ay hindi coronavirus carriers.
Kailangan din umanong isaalang-alang ang kahandaan ng komunidad na uuwian ng mga galing sa Metro Manila.
Hindi bababa sa 4,000 indibidwal ang nakatakda pang bumalik sa lalawigan ng Leyte sa ilalim ng Balik Probinsya program, na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglalayong mabawasan ang populasyon sa Metro Manila upang doon na sa kanilang mga lalawigan tumira at maghanapbuhay.
Noong 22 Mayo, higit sa 100 trabahador sa Metro Manila ang umuwi sa Leyte na isa sa mga lalawigang naunang nagpatupad ng Balik Probinsya program.
Ayon kay Dr. Lesmes Lumen, provincial health officer ng Leyte, sumailalim sa swab testing ang mga bumalik sa kanilang probinsya bago pinayagang umuwi sa kanilang mga bayan.
Aniya, hindi sumailalim sa swab testing sa Maynila ang mga umuwi kaya kailangan nilang gawin ito sa kanilang lalawigan.
Ipinadala ang kanilang swab samples sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa lungsod ng Cebu para suriin.
Samantala, dinala ng ibang local government units (LGUs) ang mga sample ng mga uuwi sa kanilang mga lugar, sa Divine Word Hospital sa lungsod ng Tacloban.
Hanggang noong 28 Mayo, naitala ang hindi bababa sa 31 kaso ng COVID-19 sa Eastern Visayas.