IDINEKLARA nitong Miyerkoles, 20 Mayo, ng pamunuang panlalawigan ng Northern Samar ang ‘state of calamity’ sa buong probinsiya dahil sa pananalasa ng bagyong Ambo noong isang linggo.
“Pagkatapos ng deklarasyon, makapaglalabas si Northern Samar Governor Edwin Ongchuan ng calamity fund at mabilis na makapamamahagi ng relief assistance sa mga apektadong pamilya,” ani Rei Josiah Echano, hepe ng Provincial Risk Reduction Management Office (PRRMO).
Dagdag ni Echano, ini-realign ng pamahalaang panlalawigan ang P110 milyong pondo para sa muling pagbangon ng Northern Samar sa tulong ng national government.
Ayon sa datos ng PRRMO, 128,034 pamilya o 521,203 indibiduwal ang nawalan ng tirahan dahil sa pananalasa ng bagyong Ambo.
Kabilang sa mga nasalanta at tuluyang nawasak ng bagyo ang 1,826 bahay, samantala 22,419 ang napinsala.
Tinatayang nagkakahalaga ng P127.21 milyong pinsala sa mga impraestruktura ng lalawigan, habang P93.47 milyon ang halaga ng mga napinsalang palay at iba pang pananim.
Hindi bababa sa 26 katao, kabilang ang 14 mula sa bayan ng San Jose, ang nasaktan sa kasagsagan ng bagyong Ambo.
Pangalawa ang Northern Samar sa mga lalawigan sa Eastern Visayas na isinailalim sa state of calamity dahil sa pananalasa ng naturang bagyo.