SA kanyang Facebook Live kamakailan, sinabi ni Vice Ganda na sobra siyang nalulungkot sa katakot-takot na panlalait na natatangap ngayon ng dalawa niyang kaibigang sina Kim Chiu at Coco Martin. Ito ay matapos na maglabas ang dalawa ng kanilang saloobin sa pagsasara ng ABS-CBN.
“Nalungkot ako para sa mga kaibigan ko na nami-misinterpret. Nalulungkot ako para kay Coco, nalulungkot ako para kay Kim Chiu. Kasi, parang hindi nila deserve na pagsalitaan..” sabi ni Vice.
Patuloy niya, “I will not deny the fact na itong mga nakalipas na araw, may mga araw na naiiyak ako. Nalulungkot ako dahil parang ang daming poot ng mga tao, parang hindi magkaintindihan ang mga tao. Ang daming galit sa isa’t isa, ayaw magkaunawaan.”
Aminado si Vice na kulang ang buhay niya na walang ABS-CBN.
“Hindi ako okey na walang ABS-CBN. Hindi ako okey na walang ‘TV Patrol.’ Hindi ako okey na walang ‘It’s Showtime.’ Hindi ako okey sa mga nangyayari. At dahil naramdaman ko na ang daming galit sa paligid, nalungkot ako, so naiyak ako.”
May bahagi rin ng kanyang video na nagpayo si Vice kung paano harapin ang mga taong mahilig manira.
“’Yung mga ganyang tao matitigas ulo niyan. Kahit anong pakiusap mo, ‘nak ng pota, hindi makikinig sa ‘yo iyan. Bubuwisitin ka lang lalo niyan. Kailangan patatagin ninyo ang sarili ninyo. Hindi natin mako-control ang ibang tao kung paano sila mag-iisip, kung paano nila bubuksan ang mga bunganga nila, at kung paano sila mag-iisip tungkol sa atin.”
Ang pinakamabisang pang-inis sa detractors ay ang paunlarin ang sariling buhay.
“Pagandahin natin nang pagandahin ang buhay natin at saka sarili natin. Nagngingitngit sila riyan. ‘Pag may magandang nangyayari sa buhay mo, galit na galit sila riyan. So galitin natin sila sa pamamagitan ng pagpapalawig ng tagumpay sa sarili natin. ‘Pag masaya tayo, hindi sila masaya,” diin pa niya.
***
Vice, ‘di na aligaga sa pag-ibig dahil kay Ion
SAMANTALA, puno ng kilig na sinabi ni Vice na sobrang masaya siya ngayon sa piling ng boyfriend na si Ion Perez.
“Diyos ko, sa rami naman ng pinagdaanan ko sa pag-ibig. Sa rami rin naman ng nanloko sa akin, kaya damang-dama ko ang kaibahan ngayon. Ang puso, kusa mo mararamdaman na, ‘Ay, eto na.’ Wala ka nang ibang hinahanap.”
Noong hindi pa niya nakikita ang tunay na pag-ibig, aligaga si Vice sa mga bagay na gusto niyang gawin.
“Dati ‘pag wala kang dyowa, gusto mo rumampa, gusto mo uminom, gusto mo humarot, gusto mo tsumika. Lahat gusto mo gawin para lang malibang ka. Pero ‘pag in love ka na, ayaw mo na ng pag-aaksaya ng energy sa walang kapararakan.”
MA AT PA
ni Rommel Placente