MATAPOS humingi ng panalangin ang pamilya ni Direk Peque Gallaga dahil sa pagkakasakit nito at pagkakadala sa ICU, nilinaw nilang hindi totoong comatose ang director at walang Covid-19. Bagkus humingi sila ng panalangin para sa kalagayan nito.
Subalit kahapon ng umaga, kumalat na sa Facebook ang balitang pumanaw na ang magaling na director sa edad, 76. Kinompirma rin naman ang balitang ito ng kapatid niyag si Dr. Ricky Gallaga.
Sa isang ospital sa Bacolod City binawian ng buhay ang veteran filmmaker, screenwriter, at actor.
Kinilala ang galing ni Gallaga sa mga pelikulang Oro, Plata, Mata (1982) na maraming award ang napanalunan kabilang na ang Best Picture at Best Director sa Gawad Urian at Scorpio Nights (1985)
Hinangaan din ang pelikula niyang Manananggal episode mula sa pelikulang Shake, Rattle & Roll ng Regal Films (1984); at mga horror films na Hiwaga sa Balete Drive (1988), Tiyanak (1988), Shake, Rattle & Roll II (1990), Aswang (1991), at Magic Temple (1996) na top grosser noong Metro Manila Film Festival 1996.
Tumanggap na rin ng award si Gallaga mula sa mga international film festival tulad ng Flanders-Ghent, Belgium noong 1983; Special Jury Award mula sa Manila International Film Festival; at 2004 Gawad CCP Para sa Sining.
Ang aming pakikiramay sa mga naiwan ni Direk Gallaga.