HALOS nasa 2,000 kabahayan ang nabigyan ng mga ipinamahaging mga gulay, bigas at mga de-lata ng pamahalaang lungsod ng Parañaque kahapon.
Nagpasalamat ang vegetable cooperative sa lalawigan ng Batangas kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa ginawang pamamakyaw ng pamahalaang lungsod sa kanilang mga produkto na kabilang sa mga ipinamahagi sa mga maralitang pamilya ng lungsod na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).
“Hindi lang dapat puro canned goods ang kinakain ng mga tao ngayong panahon ng krisis dapat healthy diet din para malakas ang resistensiya para maiwasan ang COVID-19 virus,” ayon kay Olivarez.
Ayon kay City Treasurer Dr. Anthony Pulmano, kabilang sa mga tinanggap na sariwang gulay ng mahihirap na pamilya ang talong, sitaw, kalabasa at iba pa na kasama sa ikatlong buhos ng ginagawang pamamahagi ng lokal na pamahalaan na nagsimula noong 16 Marso 2020.
Siniguro ni Pulmano, sa ika-apat na buhos na gagawing pamamahagi ng pamahalaang lungsod ng food packs sa susunod na linggo, mapapabilang na ang pamimigay ng asukal sa mahihirap na pamilya dahil naglaan na sila ng pondo para sa pagbili ng 100,000 kilo ng asukal.
Hinikayat niya ang mga residente ng lungsod na magtanim ng gulay sa kanilang paligid, hindi lang ngayong may krisis kundi kahit pa matapos ang ECQ. (JAJA GARCIA)